Non-accredited facilities ‘kinunsinte’ BPI OFFICIALS NAMUMURONG MAKULONG

(BERNARD TAGUINOD)

NAMUMURO sa kasong ‘malfeasance” na may parusang pagkasibak sa trabaho at kulong ng anim na buwan hanggang anim na taon ang mga opisyales ng Bureau of Plant and Industry (BPI) sa usapin ng onion hoardings na iniimbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa mosyon ni Marikina Rep. Stella Quimbo na inaprubahan ng House committee on agriculture and food, pinagsusumite nito si BPI Director Gerald Glenn Panganiban ng written explanation sa komite kung bakit hindi kasama ang opisyales ng kanyang ahensya sa dapat kasuhan ng ‘malfeasance”.

“We require BPI to submit to us an written explanation why we should not recommend a filing of a case of malfeasance before the Ombudsman,” ayon sa mosyon ni Quimbo.

Sumabog ang galit ni Quimbo nang malaman na pinupuntahan pa ng BPI officials ang Argo Trading at nagpapakuha pa ang mga ito ng larawan kasama ang opisyales ng kumpanya, gayung hindi ito accredited sa nasabing ahensya.

Ayon sa mambabatas, may umiiral na administrative order ang BPI na nag-aatas sa lahat ng cold storage facilities na irehistro ang kanilang kumpanya subalit hindi aniya ito ginagawa ng tanggapan ni Panganiban kaya maraming ganitong uri ng pasilidad ang hindi rehistrado tulad ng Argo.

“Responsibilidad nila na ipatupad ang sarili nilang administrative order of accreditation at klarong-klaro na hindi nila ginagawa yun. Tino-tolerate nila ang operations ng non-accredited facilities. Pinupuntahan pa nila at nagpapa-picture pa, Mr. Chair,” ani Quimbo.

Samantala, nagbabala naman si House Speaker Martin Romualdez sa mga resource person sa imbestigasyon ng komite sa hoarding, price manipulation at cartel sa sibuyas na hindi mangingiming ipakulong ang mga ito kapag hindi nagsabi ng totoo.

“We expect every resource person invited to tell the truth. No more, no less. I advise those who are invited to the hearings: magsabi lang po kayo ng totoo. Kung lolokohin lang ninyo ang Committee, sa detention center ang bagsak ninyo,” ani Romualdez.

Nauna nang pina-contempt ng komite ang mga opisyales ng Argo Trading dahil sa kabiguan ng mga ito na isumite ang mga dokumentong hiningi sa kanila.

Kasama sa pina-contempt at makukulong ng 10 araw sa Batasan Pambansa sina Argo Trading president and general manager Efren Zoleta Jr., operation manager John Patrick Sevilla at kanilang abogadong si Jan Ryan Cruz.

Tanging si Sevilla ang nakakulong ngayon sa Kongreso dahil hinahanap pa ng House Sgt-at-Arms sina Zoleta at Cruz.

452

Related posts

Leave a Comment