REP. NOGRALES NAKIWALIS KASAMA NG TUPAD BENEFICIARIES

(JOEL O. AMONGO)

MAS maaliwalas ang kinabukasan kung malinis ang kapaligiran.

Ito ang mga katagang binitawan ni Rizal 4th District Rep. Fidel Nograles sa gitna ng programang linis-lansangan kasama ang mga benepisyaryo ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/ Displaced (TUPAD) sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Ayon kay Nograles, hindi tsapa ang pwesto sa pamahalaan para makaiwas sa mga gawaing ‘marumi at hindi bagay’ sa paningin ng ilang taong-gobyerno.

Partikular na tinukoy ni Nograles ang paglilinis ng kapaligiran na aniya’y karaniwang ini-aasa lang sa mga kaminero, kolektor ng basura at maging sa hanay ng mga maralitang benepisyaryo ng programang TUPAD ng DOLE.

Para sa kinatawan ng Montalban sa Kamara, mas epektibo ang isinusulong na kalinisan at luntiang kapaligiran kung sabayan ang pagkilos ng pamahalaan, mamamayan at mga grupong makakalikasan.

Sa kanyang mensahe, binigyang-halaga ng kongresista ang bentahe ng malinis na kapaligiran. Aniya, mas ligtas at malayo sa karamdaman (tulad ng dengue, cholera, sakit sa balat at iba pa) ang mga pamayanan kung saan napapanatili ang kalinisan.

“Naiiwasan din ang pagkalat ng mga hayop o insektong nagdudulot ng karamdaman,” wika ng batang mambabatas mula sa Montalban.

Bukod sa iwas-sakit, magaan sa pakiramdam at maaliwalas rin sa paningin ang malinis na kapaligiran.

“Ang minimithing luntiang kapaligiran, malinis na hangin, isdang lumalangoy sa malinaw at walang basura sa daluyan ng tubig ay ating makakamit kung tayo mismo ay makikiisa sa pagbabago sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan ng ating kapaligiran,” aniya pa.

Sa ilalim ng programang TUPAD ng DOLE, garantisado ang community-base package assistance sa mga maralitang benepisyaryo – 10 araw hanggang isang buwang emergency employment para sa displaced workers, underemployed at seasonal workers.

Bukod sa paglilinis ng kapaligiran, bahagi rin ng nasabing programang ibinaba sa Montalban sa inisyatiba ni Nograles ang tinaguriang social community projects – repair, maintenance o pagpapabuti ng pampublikong pasilidad, tulad ng eskwelahan at health centers.

Pasok din ang debris clearing, declogging ng kanal, debris segregation, materials recovery, stockpiling, clearing at iba pang pawang nakabase sa mismong komunidad ng mga benepisyaryo.

Pagkatapos ng dinaluhang linis-lansangan, personal na pinasalamatan ng TUPAD beneficiaries si Nograles na anila’y walang sawa sa pagtulong, pagbibigay kabuhayan at kalinga sa kasagsagan ng pandemya.

724

Related posts

Leave a Comment