PANA-PANAHONG PAGTITIPID

MAY kwenta ang pagtitipid kung ang naitabi ay isasalin sa magandang kalalagyan.

Pwedeng saluduhan at bigyan ng masigabong palakpakan ang nagmungkahi kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. na gawing apat na araw ang pasok sa opisina ng mga kawani ng pamahalaan at ang ikalimang araw ay work-from-home upang makatipid sa konsumo ng kuryente.

Alas-7 ng umaga ang simula ng pasok at magtatapos ng alas-4 ng hapon. Ito ang tinatawag na daylight saving time (DST), na uumpisahan ng Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ang panukalang ito ay iniharap kay Pangulo sa ginanap na sectoral meeting sa Malacañang kamakailan.

Kagatin naman kaya ng Pangulo ang eksperimentong sasampolan ng DOE?

Ayon kay House Deputy Speaker Ralph Recto, ang panukala ng kalihim ng Finance ay isang parte lang ng pagtitipid.

Kaya ipinahiwatig niya ang paglulunsad muli ng magandang bersyon ng energy conservation o Enercon campaign, na itinatag noong dekada 70 ng dating pangulo na si Ferdinand Marcos Sr.

Ang ekonomiya at kapaligiran ay ang puwersa ng kampanya.

Magsusulputan uli ang mga suhestyon, mungkahi na baka magpabagal sa implementasyon ng eksperimento. Batid naman na makakatipid pero itinuturing na eksperimento lang ang setup na gagawin ng DOE.

Baka nga naman ang bottom line ay pumalpak lalo’t ayon kay Diokno, ito ay mga panandaliang interbensyon ng gobyerno para mabawasan ang mataas na inflation sa bansa.

Kung sigurado ang tagumpay ng kampanya, dapat isabay ang lahat ng ahensya sa pagpapairal ng 4 na araw ng trabaho, WFH tuwing Biyernes at DST.

Testing muna kasi ang gagawin kaya parang nag-aalinlangan. Malabong gawin itong permanente gayung ang pagtitipid ay hindi lang dapat ginagawa sa tag-init kundi sa buong taon.

Makabubuti ang 4-day work sa isang linggo dahil mababawasan ang stress at bubuti ang kalusugan ng mga empleyado. Mapapabilis pa ang trabaho, na pinalalawig at pinatatagal lamang ng mga nagbubutas ng bangko na mga empleyado.

Ang pagtitipid ay ginagawa araw-araw, hindi pana-panahon lang. May kwenta ang pagtitipid kung ang natitipid ay pupunta sa magandang kalalagyan, sa mga nangangailangan, at hindi sa paldo nang bulsa ng iilan.

Ang pinal na resulta: Uubra kaya ang pagtitipid na ‘yan sa Pinas?

193

Related posts

Leave a Comment