Solon: Pwede namang maiwasan kung… PUTIN PINAAARESTO NA NG ICC, DUTERTE NEXT

MAIIWASANG maglabas ng arrest warrant ang International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at mga kasabwat nito kung seseryosohin ang pag-iimbestiga at pagpapanagot sa mga ito sa war on drugs.

Pahayag ito ni ACT party-list Rep. France Castro dahil posibleng magaya si Duterte at mga kasabwat nito sa war on drugs kay Russian President Vladimir Putin na inisyuhan na ng arrest warrant ng ICC dahil sa pag-deport sa may 7,000 Ukrainian children sa Russia na itinuturing na isang uri ng war crime.

“Now there is a chance to stave this off only if and when the Philippine government launches a genuine and credible effort to investigate and charge those responsible for the killings even Pres. Duterte,” ani Castro.

Mas malala umano ang kasalanan ni Duterte kaysa sa kaso ni Putin dahil bukod sa mahigit 6,000 napatay sa war on drugs, ay meron pang mahigit 30,000 katao ang biktima ng extrajudicial killings (EJK) sa kasagsagan ng Oplan Tokhang.

Bukod dito, mas makapangyarihan si Putin kesa kay Duterte subalit hindi ito naging hadlang sa ICC kaya hindi imposibleng maisyuhan din ng arrest warrant ang dating Pangulo at mga kasabwat nito.

Lalo aniyang mangyayari ito kapag hindi naipakita ng gobyernong Marcos-Duterte na umiiral ang hustisya sa bansa. Kaya dapat aniyang seryosohin ang pagpapanagot sa dating Pangulo.

“With the current situation that only 2 cases of EJK have been solved and only low ranking policemen were punished, it would be a tall order indeed for the Marcos-Duterte government to convince the ICC that it is serious in serving justice to the thousands killed during Duterte’s time,” ayon pa sa mambabatas.

Sa ngayon ay nagtatag umano ang Marcos-Duterte administration ng isang “independent commission” para imbestigahan ang dating Pangulo sa pangunguna ni Solicitor General Manardo Guevarra.

Gayunpaman, duda si Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares dito dahil hindi isinasapubliko ang detalye ng binubuong komisyon kaya kailangan aniyang ituloy ng ICC ang imbestigasyon. (BERNARD TAGUINOD)

201

Related posts

Leave a Comment