HINDI PAPATULAN NG MAKABAYAN ANG PAKANANG DEBATE NI GEN. PARLADE

KAKAMPI MO ANG BAYAN TEDDY

Matagal nang binabato ng putik ang mga kinatawan sa Kongreso mula sa Makabayan ukol sa pagi­ging rebeldeng komunista umano ng mga ito, at hindi na bago ang hamon ni General Antonio Parlade ng isang debate.

Ilang beses nang napatunayan sa mga korte na hindi totoo at walang batayan ang akusasyon na ang Bayan Muna at iba pang mga progresibong partido sa ilalim ng Makabayan ay mga rebelde na nais pabagsakin ang gobyerno. Kung ating maaalala noong 2006, kinasuhan ng rebel­yon ang mga kinatawan ng Makabayan sa Kongreso ngunit ito ay mabilis na binalewala ng korte. Nang hindi umepekto ang kasong rebel­yon, kinasuhan naman ng mga gawa-gawang kaso ng murder ang apat na kinatawan sa party-list, ngunit, muli itong binalewala ng korte.

Ngayon, muling ibinabalik ang usapin ni Gen. Parlade at nagpapakalat ng kasinungalingan na gina­gamit ng mga kinatawan ng Makabayan ang pera ng bayan para umano sa armadong pag-aaklas. Ngunit, sa 18 taong paghalal sa Bayan Muna sa Kongreso ay hindi nila nakitaan ni isang ku­sing na ebidensya upang patunayan ang kanilang paratang.

Ang totoo ay makailang-ulit nang kinasuhan at napatunayang nagkasala ng graft and corruption, tortyur at paglabag sa karapatang pantao, pagkasangkot sa ilegal na droga, pagpatay, kidnapping, at iba pang mga krimen ang marami sa mga heneral. Nito lamang ika-30 ng Marso 2019 ay pinatay, ala-tokhang, ang 14 na magsasaka sa Negros Oriental sa isang operas­yon ng militar at pulis. Sila ang tunay na magnanakaw at mamamatay-tao.

Si Parlade rin ang nag­luto ng Red October Plot noong 2018—na hindi naman nangyari.

Hindi papatulan ng Ba­yan Muna at ng Makabayan ang pakanang debate ni Gen. Parlade, na nais lamang makipagbatuhan ng putik sa telebisyon. Tanging si Gen. Parlade lamang ang makikinabang sa publicity stunt na ito, dahil alam niya na sa tunay na korte, walang kuwenta ang kanyang mga paratang. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)

182

Related posts

Leave a Comment