PUNA ni Joel Amongo
KUNG ako ang tatanungin, ang ipinamigay ng may-ari ng MT Princess Empress noong Pebrero 28 sa bawat isang mangingisda ng Oriental Mindoro na halagang P15,000 ay “suhol”.
Bakit kamo? Eh kalakip pala ng pamimigay ng pera ay waiver na pinapipirmahan sa mga mangingisda para hindi nila idemanda ang may-ari ng MT Princess Empress.
Ibang klaseng rin mag-isip ang may-ari ng barko, ano!
Ito ang lumabas sa joint hearing ng House Committee on Ecology at Committee on Environment and Natural Resources na ibinunyag ni ACT Party-List Rep. France Castro hinggil sa nasabing waiver.
Ang bayad na P15,000 sa mga mangingisda ay itinanggi naman daw ng may-ari ng MT Princes Empress.
Lumalabas na ang ibang nakapaloob sa waiver na pinapirmahan sa mga mangingisda ay hindi nila maintindihan maliban sa nakalagay na bibigyan sila ng one time na P15,000.
Sinasabi ni Castro, hindi makatarungan na hindi mapapanagot ang RDC Reield Marine Service na may-ari ng MT Princess Empress, sa tindi ng epekto ng oil spill sa kabuhayan, turismo sa Oriental Mindoro at kalapit na mga lalawigan.
Tama si Rep. Castro, hindi makatarungan ang ginawa ng may-ari ng barko na bibigyan lamang nila ng P15K ang kada mangingisda, tapos babalewalain na ang perwisyong dulot nito.
Ang sinasabing P15,000 kada mangingisda sa Oriental Mindoro ay baka hindi pa umabot ng P611 milyon na nagastos ng gobyerno.
Gumastos ng P611 milyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamahagi ng food packs sa naapektuhang mga pamilya ng paglubog ng MT Princes Empress.
Batay sa natanggap nating impormasyon, ang barko ay naka-insured ng $1 billion.
Kaya pala kahit lumubog ang MT. Princes Empress ay walang problema ang may-ari nito.
Ika nga ng ating tagasubaybay, tumubo pa ang may-ari ng barko.
Kaya balewala sa kanila ang pamimigay P15,000 sa mga mangingisda.
Kung binayaran nila ang mga mangingisda, paano naman ang naapektuhan sa turismo, ginastos ng gobyerno at ang nasirang yamang dagat?
Sa ganang akin, kahit na binayaran pa ng may-ari ng barko ang mga mangingisda ay ituloy pa rin ng gobyerno ang kaso laban sa kanila.
Hindi biro ang perwisyong idinulot ng paglubog ng MT Princess Empress sa mga tao na naninirahan sa nabanggit na mga lugar, kaya hangga’t maaari ay pinakamabigat na parusa ang nararapat na ipataw sa may-ari ng barko.
oOo
Para sa sumbong at suhestiyon mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
122