PLDT magbibigay ng suporta sa e-GovPH Super App ng pamahalaan

SA GANANG AKIN

INILUNSAD ng Administrasyong Marcos ang e-Gov PH Super App – isang mobile platform na dinisenyo upang maging mas madali ang pakikipagtransaksyon sa iba’t ibang mga ahensya ng pamahalaan. Layon rin nitong gamitin ang mga makabagong solusyon para sa information at communication technologies o OCT upang mas mapabuti ang serbisyo ng gobyerno sa publiko.

Ang e-GovPH Super app ay isang one-stop shop para sa lokal at pambansang serbisyo ng pamahalaan. Kabilang sa mga transaksyong maaaring gawin dito ay ang pagpaparehistro ng SIM, access para sa mga serbisyo ng lokal na pamahalaan, aplikasyon para sa trabaho, tulong sa pangangailangang pangkalusugan, mga e-payment at maging sa serbisyong pagbabangko.

Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng e-Gov PH Super App nitong Biyernes, pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bong Bong” R. Marcos, Jr. ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagdisenyo ng naturang app na magbibigay ng mabilis na serbisyo para sa publiko at mabawasan ang katiwalian sa gobyerno.

Ayon sa Pangulo, kailangan ng gobyernong ipagpatuloy ang paggawa ng mas malawak at mas sopistikadong mga e-government platform para makahabol at makipagkumpitensya ang Pilipinas sa pag-unlad ng ibang bansa.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa matagumpay na pagpapatupad ng inisyatibang tulad ng e-GovPH Super app at para rin matiyak ang cybersecurity.

Umani naman ng suporta ang inisyatibo ng gobyerno mula sa telecom giant na PLDT, Inc. sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access at koneksyon sa tinatawag na rich data at mga prosesong umaasa sa kritikal na fixed at wireless telecommunications infrastructure.

“We echo the sentiments of President Marcos about maximizing the use of the technologies available to us, with the eGovPH Super App expected to improve ease of doing business and interactions with the government,” ani Alfredo S. Panlilio, PLDT President and CEO.

Dagdag nya, “This aligns with how we at PLDT are committed to evolving with our customers’ increasingly digital lifestyles and delivering innovation to achieve our ambition of a completely connected and future-ready Philippines.”

Dumalo si Panlilio sa paglulunsad ng app na pinangunahan nina Pangulong Marcos, ICT Secretary Ivan John Uy, at ICT Undersecretary David Almirol na nasabay rin ng paglunsad ng National Information and Communication Technology Month sa Malacañang.

Si Panlilio ay kabilang sa Digital Infrastructure Group ng Private Sector Advisory Council (PSAC). Kabilang sa pagsuporta ng PLDT para sa mga layunin ng PSAC ang paggamit ng pamahalaan sa kabuuang fixed at wireless networks nito. Noong Marso 2023, napalawig na ng PLDT ang fiber footprint nito ng mahigit 1.1 milyong kilometro, na kinabibilangan ng 231,000 na kilometro ng international fiber at higit 874,000 kilometrong domestic fiber. Sinusuportahan din ng fiber infrastructure ang 2G, 3G, 4G/LTE at 5G networks ng Smart Communications, na bumubuo sa 97 porsyento ng populasyon mula katapusan ng Marso 2023.

Layunin ng gobyerno na magamit ang digitalization at mga available na apps para padaliin ang mga transaksyon at mabawasan ang korupsyon at iba pang uri ng pang-aabuso.

Ang e-GovPH app ay makatutulong para mapabilis ang serbisyo ng gobyerno at maaalis din nito ang pagkakataon para sa korupsyon. Posibleng makipagtransaksyon ang mga negosyo sa gobyerno nang walang tulong mula sa mga fixer.

Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng gobyerno ang pagkakaroon ng digital pivot para sa makabagong paraan ng pakikipagkalakaran sa mga lokal at pambansang ahensya ng pamahalaan. Ang mga inisyatibong tulad nito ay makatutulong mabigyan ng mas maayos na customer service ang mga Pilipino at makatutulong din para makabawas sa stress at maging mas kaaya-aya ang kanilang karanasan.

482

Related posts

Leave a Comment