MY POINT OF BREW
ANG QC Memorial Circle ay isang malawak na pasyalan. Natatandaan ko, ilang taon na ang nakalipas, na maaliwalas ang nasabing lugar. Malawak at malinis. Mahigit 27 hectares ang lawak ng QC Memorial Circle. Dati ay nasa ilalim ito ng National Parks Development Administration. Noong 1988, ibinigay ang pamamahala nito sa Quezon City Parks Development Foundation (QCPDF) at ang lungsod ng Quezon ay binigyan ng kapangyarihan ang QCPDF na kumalap ng pondo para sa maintenance ng QC Memorial Circle.
Subalit noong ika-1 ng Hulyo 2008, inilipat na ang pangangasiwa ng QC Memorial Park sa Quezon City Government. Magandang hakbang ito dahil tiyak na hindi mawawalan ng pondo para sa maintenance at pagpapaganda ng nasabing pasyalan. Kapansin-pansin noon ang mga developments sa loob ng QC Circle. Binuhay ang mga naluluging kainan sa loob nito at inayos at kinumpuni ang mga lumang istruktura doon.
Pati ang Museo ni President Manuel Quezon ay pinaganda. Nagdagdag ng mga ilaw ng poste sa kapaligiran. Ang dating madidilim na lugar na naging kuta ng droga at ilegal na mga pangyayari ay nawala. Maayos at malinis na ito. Nagkaroon ng bagong anyo ang QC Memorial Circle.
Subalit sa tinagal ng panahon mula nang ito ay isinailalim sa QC City Government, tila dumami ang istruktura sa loob. Imbes na maaliwalas ay tila sumikip ang lugar, lalo na kapag marami na ang mga taong bumibisita doon tuwing Sabado at Linggo o kapag may piyesta opisyal.
Dagdag pa dito ay ang kakulangan ng maintenance sa loob. Hindi regular ang koleksyon ng basura at kinakalat ng mga ligaw na aso ang mga basura. Ang mga malalaking puno ay hindi pinuputulan. Ang masakit pa dito ay hindi regular na winawalis ang mga nalaglag na dahon.
Ang mga gusali na itinayo sa loob ng QC Memorial Circle ay hindi naman regular na nagagamit. Naging simbolo lamang ito ng magandang plano sa umpisa subalit hindi naman napag-isipan kung ang mga gusaling ito ay ginagamit nang regular ng mga taga QC. Kaya makikita natin na nabubulok, at tinutubuan ng mga ligaw na halaman ang mga ito. Kaya imbes na isang maganda at maaliwalas na park ito, nagmistulang isang gubat sa gitna ng siyudad.
Maaaring nakadagdag sa pagiging tamad ng mga tauhan at namamahala ng QC Memorial Circle nang pinayagan ay ilang bahagi nito na bungkalin para sa ginagawang MRT-7.
Nakapanghihinayang dahil, sigurado ako na hindi kinakapos ng pondo sa maintenance ang QC Memorial Circle. Ang Lungsod Quezon ay isa sa may pinakamalaking nakokolektang buwis sa mga residente at negosyante na nasasakupan nito. Ang masakit pa nito ay kapansin-pansin ang linis ng kapaligiran ng University of the Philippines na katabi lamang ng QC Memorial Circle.
Hindi naman siguro mahirap para sa mga namamahala ng QC Circle na siguraduhin na tuloy-tuloy ang paglilinis ng kapaligiran ng QC Memorial Circle. Hindi rin siguro mahirap na putulin ang mga malalago at malalaking puno doon upang magmukhang maaliwalas muli para pasyalan ng mga tao. Marahil ay magsilbing paalala ito sa mga namumuno ng Lungsod Quezon na pagsabihan ang mga namamahala ng QC Memorial Circle na tila natutulog yata sila sa pansitan.
Pasyalan ninyo ngayon ang QC Memorial Circle para malaman ninyo ang aking sinasabi.
279