(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MISTULANG pambababoy sa tunay na Maharlika Fund ang bagong bersyon nito na lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa librong ilalabas ni Serafia ‘Cherry’ C. Cobarrubias, dating tagapagsalita ni ex-First Lady Imelda Marcos, inilahad nito ang tunay na layunin ng Maharlika Wealth Fund (MWF) mula sa konseptong unang binuo ng mag-asawang Ferdinand Marcos Sr. at Imelda. Ito ay ang ibigay sa taumbayan ang bahagi ng kanilang yaman.
Ayon kay Cobarrubias, taliwas sa pakay ni Marcos Jr. at mga kasama niyang nagsulong ng MWF, sa orihinal na Maharlika fund ng mag-asawang Marcos Sr., dapat kukunin ang pondo mula sa kanilang private funds. Nakasaad aniya ito sa ‘last will’ ng yumaong dating pangulo.
Ani Cobarrubias, inatasan ding maging lider ng organisasyong “Marcos Loyalists”, ang magiging benepisyaryo ng bubuhaying Marcos Foundation na tatawaging The Maharlika Fund ay ang taumbayan.
Nanatili aniya sa isipan ng First Lady ang kapakanan ng mga Marcos loyalist kaya hiniling sa kanya ni Mrs. Marcos na maghanap ng paraan kung paano makakukuha ng pondo mula sa kanilang asset na hindi sequestered o frozen. Ang Marcos foundation ay maaari aniyang buhayin at ipamahagi ang pondo para sa kapakanan ng mamamayan, na tatawaging “The Maharlikans.” Paulit-ulit umano itong sinabi sa kanya ni dating FL Imelda na parang mantra.
Sa katunayan, ang Certificates of Registration ay pormal aniyang inisyu noong Abril 17, 2019, na inisyal para sa Marcos loyalists. Ito ay nilagdaan ni Mrs. Marcos sa “waxed zeal of tradeable gold coin”. Ayon aniya sa sa last will ng dating pangulo, ang Marcos Foundation assets/funds ay ibabahagi ang 90% sa mga tao, at ang nalabing 10% lang ang para sa Marcos family. Ganito rin umano ang nais ni Mrs. Marcos.
Ito ay tinawag na Maharlika Fund, na ang logistics ay magmumula sa private sources at assets ni Ferdinand Sr. at hindi mula sa gobyerno o kaya’y sa kontribusyon ng taumbayan.
Sa pamamagitan aniya ng formal document na naka-address sa kanya “personally and singularly”, iniutos sa kanya ni Gng. Imelda na tumulong sa proseso ng pamamahagi ng mga benepisyo. May inutusan aniya si Mrs. Marcos na taong kanyang pinagkakatiwalaan na magberipika sa financial institution kung saan nakadeposito ang Marcos accounts. Hindi naman kinumpirma o itinanggi ng banko ang mga deposito.
Sa halip aniya ay sinabi sa kanila na dahil ilang taon na ang nakararaan, ang proseso ay dapat na isagawa sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at ni Imelda para sa pagpapalabas ng pera. Ang proseso ng pagrekober sa pondo ay dapat aniyang nasimulan na.
Ngunit pinigilan aniya ito ng anak ni Marcos na si Bongbong.
337