DPA ni BERNARD TAGUINOD
ISA sa mga industriya sa bansa na namamatay ay ang movie industry na kailanman ay hindi papasukin ng mga dayuhang investors dahil mas magagaling ang mga artista nila at galante ang kanilang mga producer.
Ang daming panukala sa Kongreso para bigyan ng insentibo ang movie producers para mag-produce sila ng maraming pelikula at buhayin ang industriya na lumalaylay habang tumatagal.
Pero walang naglalakas-loob na maglabas ng malaking puhunan para makagawa ng kalidad na pelikula at kung may mga pelikula man na nagagawa, walang nanonood dahil una ang mahal ng ticket.
Umaabot na yata sa P380 ang ticket sa sinehan na masyadong mahal para sa mga ordinaryong mamamayan na siyang tunay na bumubuhay sa industriya at hindi ‘yung mga nasa alta sosyedad na kinabibilangan ng mga artista, direktor at mga producer.
Sa hirap ng buhay ngayon, ipambibili na lang ng bigas ang P380 na ‘yan. Makabibili pa ng mahigit pitong kilo ng bigas sa halagang iyan kapag P50 ang kada kilo ang bibilhin mo, at pang-isang linggo na ‘yan ng isang maliit na pamilya.
May isa akong kakilalang dating director sa pelikula noong panahong masigla pa ang movie industry, at inamin sa akin na puro low budget ang pino-produce nilang pelikula kaya walang wenta kung baga.
Pare-pareho rin ang kuwento ng ginagawang mga pelikula at kapag may naunang nanood na hindi nasiyahan ay ikukuwento niya sa mga kaibigan at kakilala niya kaya hindi na manonood ang mga napagkuwentuhan.
Parang wala nang magaling magsulat ng script o nauubusan na ng manunulat ang industriya dahil binabarat ng mga producer ang kanilang gawa at hindi sila binibigyan ng pagkilala.
Sa mga artista naman, halos pare-pareho lang ang gumaganap sa iilang pelikula mula sa bida hanggang sa mga sidekick at kontrabida. Walang bago kung baga kaya nagkakaroon ng sawa factor sa kanila ang mga tao.
Hindi kayang gayahin ng mga nasa industriya ang mga pelikula at series na ginagawa ng Korea na talagang inaabangan ng mga tao, hindi dahil sa mga artista kundi dahil sa kuwento.
May mga twist ang mga pelikula at series na gawa ng Korea kumpara sa atin na simula pa lamang ng kuwento ay alam mo na kung ano ang ending kaya walang suspense ika nga.
Magtataka ka kung bakit buhay na buhay ang kanilang industriya gayung 51 million lang ang mga Koreano samantala dito sa Pilipinas , 110 million na ang populasyon natin…kasi sayang ang pera sa pelikulang walang wenta.
Huwag niyong isipin na hindi ako maka-Filipino pero dapat sana, gumawa nang maayos na pelikula ang mga nasa industriya at kahit hindi sikat ang artistang isasabak basta maganda ang pelikula ay tatangkilikin ‘yan.
Parang ginagamit na lang kasi ng mga artista ang industriya para makapasok sa pulitika eh.
