IHANDA na ng mga car owner ang kanilang bulsa dahil tatrabuhin na ng Kongreso ang panukalang batas para itaas ang kanilang binabayaran sa paggamit ng kalsada.
Kinumpirma mismo ni House ways and means committee chairman at Albay Rep. Joey Salceda na prayoridad ng kanyang komite ang pagdinig sa apat na panukalang batas sa adjustment ng
Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) o Road Users’ Tax, pagbalik ng mga ito sa trabaho sa July 24 kasabay ng ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“There are already four proposals pending the Committee for updating MVUC rates,” ani Salceda dahil taong 2004 pa umano nagkaroon ng adjustment nito at hindi na ito ginalaw sa nakalipas na 18 taon.
Ang mga may-ari ng sasakyan ay taon-taon nagbabayad ng MVUC kasabay ng pagpaparehistro kung saan ang kotseng sedan ay P1,600 ang binabayaran; P3,800 sa mas malaki; P8,000 sa mabibigat na passenger cars, P2,000 sa utility vehicles, P2,300 sa SUVs na 1991 model pataas; P1,800 sa mga truck at iba pa.
Bagama’t nagbabayad ng MVUC ang mga motorsiklo na P240 at P300 naman sa tricycle, ililibre na sila sa isinusulong ng Kongreso.
“Only 5.9 percent of all Filipino households own any type of car, jeep, or van. Meanwhile, half of Filipino households own some sort of motorcycle,” ani Salceda kaya nais umano nitong libre sa MVUC ang mga motorsiklo at tricycle.
Ayon sa mambabatas, kailangang magkaroon na ng adjustment sa MVUC dahil sa ngayon ay gumagastos umano ang gobyerno ng P300 billion taon-taon sa konstruksyon at repair ng mga kalsada sa buong bansa subalit P18 Billion lang ang nakokolekta sa mga may-ari ng sasakyan.
“So, car owners are heavily subsidized for car use,” dagdag pa ng kongresista subalit wala pang datos kung magkano ang itataas sa singil. (BERNARD TAGUINOD)
