SA GANANG AKIN ni JOE ZALDARRIAGA
MAHIGIT isang buwan na ang nakalipas mula nang inumpisahan ng NLEX Corp. ang pagpapatupad ng dagdag singil matapos maaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang kanilang petisyon. Ayon sa TRB, karagdagang P7 sa open system, at P0.36 kada kilometro naman para sa closed system ang kanilang inaprubahan para sa lahat ng mga motoristang babaybay sa North Luzon Expressway.
Sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) agreement sa pagitan ng kumpanya at ng gobyerno, pinahihintulutan ang NLEX Corp. na magpatupad ng dagdag singil kada dalawang taon. Sa katunayan, ang dagdag singil na ito ay nakatakda pa sana noong mga taong 2012, 2014, 2018, at 2020.
Bagama’t may ilang mambabatas ang tumutol, tila napagtanto nilang walang kapupuntahan ang kanilang reklamo dahil nalaman nila na mas mababa ang halaga ng singil sa toll kumpara sa antas ng implasyon sa bansa.
Ayon kay MPTC President at CEO Rogelio Singson, kahit na may pagtaas sa singil sa toll, malaki pa rin ang maiipon ng mga motorista kaysa dumaan sila sa mga kalye na walang bayad ang pagpasok. Dagdag pa niya, “Isipin na lang kung gaano ang kanilang matitipid kapag kinombert nila ang halaga ng 2 litro ng diesel. Sa ngayon, ang isang litro ng diesel ay nasa P54, and 2 litro ay lagpas isang daang piso na, pero ang pagpasok nila sa NLEX toll expressway, magbabayad lang sila ng hanggang P69.”
Dumaan sa masusing proseso ang pagpapatupad ng bagong singil sa mga toll. Nagpatawag ng pagpupulong at diyalogo ang TRB sa iba’t ibang sangay ng gobyerno – lokal at nasyonal, mga grupo ng transportasyon, komunidad, at media para ianunsyo ang bagong singil sa mga toll.
Subalit, kahit anong ayos ng proseso, mayroon pa rin talagang mga pasaway na grupong may pansariling interes at pipiliing sumalungat para lamang manggulo.
Isa rito ang Alliance of Concerned Truck Owners and Organizations (ACTOO), grupong matagal nang kritikal sa pamahalaan. Ayon sa kanila, hindi raw makatarungan ang dagdag singil sa NLEX. Hindi raw sila nabigyan ng kaukulang anunsiyo at hindi kinonsulta bago ipatupad ang dagdag singil – taliwas sa katotohanang nagbigay ang TRB ng isang buwan para maghain ng kaukulang pagtutol ukol dito.
Ngayong naipatupad na ang dagdag singil, magpapatuloy ang NLEX Corp. sa pagtupad ng kanilang adhikaing pag-ibayuhin pa ang kanilang serbisyo. Maglalaan na rin ito ng pondo para sa iba pang proyektong imprastraktura na lalong magsasaayos sa daloy ng trapiko sa mga daan para suportahan ang programang Build Better More ng kasalukuyang administrasyon.
Ang inyong lingkod ay pinalad na maimbitahan sa groundbreaking ng Candaba Viaduct, isang proyekto na inaasahang magdudulot ng progreso sa mga kababayan at cabalen natin sa Bulacan at Pampanga. Kailangan natin ng mga ganitong proyekto upang lalo pang maramdaman ang ginhawang dala ng pamumuhunan sa Pilipinas. Trabaho at negosyo – iyan ang magbibigay ng pag-asa sa ating bayan.
859