21M kababaihan nilugmok sa kahirapan P20 BIGAS NI BBM BUDOL – SOLON

NAGING malinaw sa unang taon sa pwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na budol ang ipinangako niyang gagawing P20 ang kada kilo ng bigas.

Ayon sa Gabriela party-list, sa halip tuparin ni Marcos Jr., ang kanyang political promise na “Bangon Bayan Muli”, nilugmok pa nito ang mahigit 21 milyong kababaihan sa bansa dahil sa kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin at kawalan ng lupang magsasaka.

Dismayado ang Gabriela na kinakatawan ni Rep. Arlene Brosas sa mababang kapulungan ng Kongreso kaya kasama ang mga ito sa nagsagawa ng kilos protesta sa Commonwealth Avenue, Quezon City sa ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Marcos.

Ayon sa grupo, bumaba sa Labor Force Survey ng Center for Women’s Resources (CWR) noong Mayo 2023 ang kalagayan ng kababaihan sa unang taon ni Marcos bilang pangulo ng bansa kung saan ipinapakita na 21.14 milyon kababaihan ang “economically insecure”.

“Imagine, millions of Filipino women are mired in neck-deep crisis yet the Marcos Jr. administration has refused to certify as urgent price reduction measures and legislated wage increase.

Instead, it has moved heaven and earth to fast-track the Maharlika scam,” ani Gabriela Party-list secretary general KJ Catequista.

Tuluyang inabandona aniya ni Marcos ang kababaihan dahil bukod sa patuloy na panghaharass sa mga ito ay pinahirapan niya ang mga ito kung paano pagkasyahin ang kakarampot na kinikita ng kanilang mister dahil sa hindi maampat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Subalit hindi na ito ipinagkataka ng nasabing grupo dahil sa halip na resolbahin ang problema sa ekonomiya, kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng mga bilihin, mababang sahod at hustisya ay inuna ng Pangulo ang Maharlika Investment Fund (MIF).

“Naging klaro sa unang taon ni Bongbong Marcos na budol yung P20 na bigas, pati yung sinabi niya sa unang SONA na papalakasin ang anti-VAWC program sa bansa. Kasi ang totoo, lalong naging bulnerable ang milyun-milyong kababaihan sa krisis at karahasan,” ani Catequista.

Itinuring din nilang ‘mumo’ ang umentong binigay ni Marcos sa sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR), dahil P40 lang ang inaprubahan na malayong-malayo sa P150 hanggang P750 na hinihingi ng mga manggagawa habang ang MIF ay P500 billion ang ibinigay na pondo.

“President Marcos Jr. has pushed Filipino women further towards the margins, as he prioritized profit-making ventures for private partners thru Maharlika Fund while allowing Filipino women to slide deeper into poverty and abuse amid nonstop price hikes,” ayon pa sa grupo ni Brosas. (BERNARD TAGUINOD)

292

Related posts

Leave a Comment