PNP NATAKASAN NG CHINESE NA HINULI SA POGO HUB SA LAS PIÑAS?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

KONTRA ang halos 136,800 police officers sa iminungkahing limang porsyentong kaltas para sa kanilang kontribusyon sa pensyon.

Base ito sa survey na isinagawa para makuha ang sentimyento ng 228,000 kapulisan hinggil sa reporma ng military and uniformed personnel (MUP) pension.

Aba, higit kalahati o 60% ng police force sa bansa ang ayaw sa kaltas. Idagdag pa ang pagdagsa ng naghain ng optional retirement dahil natakot sa pension reform.

Kaya ba iniwasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang isyung ito sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA)?

Sabagay, napakaraming usapin ang hindi tinumbok ng Pangulo kabilang ang food security at firm stand sa West Philippine Sea.

Marami ang nagtatanong, kung mananatiling hindi kakaltasan ang mga pulis at sundalo sa kanilang sweldo para sa pension ay magiging patas at makatarungan ba para sa ibang empleyado ng pamahalaan na may kontribusyon para may makuhang benepisyo kapag nagretiro?

Oo na, buwis-buhay ang mga pulis sa pagtupad ng kanilang tungkulin pero masyado atang binibigyang atensyon ang kanilang pribilehiyo.

Ayon kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda, masakit sa kapulisan ang 5% bawas, partikular sa may mababang ranggo.

Kaya pala, binabantayan ng PNP ang magiging desisyon ng Kongreso sa MUP Reform Bill dahil posibleng makaapekto sa 228,000 na aktibo at retiradong pulis.

Tiyak namang pabor sa kapulisan at kasundaluhan ang magiging desisyon sa nasabing panukala kaya walang dapat ipag-alala ang mga MUP.

Nasa panig nila ang gobyerno at mga politiko sa hayag na kadahilanan na hindi na dapat ipaliwanag.

Kasi ba naman, kinanti pa ng mga economic manager ng administrasyon ang reporma sa pension ng MUP para maiwasan daw ang fiscal collapse.

Ginawang sandalan ang reporma ng MUP pension gayung ang ibang salarin sa pagbagsak ng ekonomiya ay ang lagpas-ulo o nakalulunos na utang, at ang korupsyon.

Sabagay, ayon kay Acorda ay pinag-aaralan nila ang counter-proposal na isang porsiyentong kontribusyon sa unang tatlong taon, na tataas sa tatlong bahagdan hanggang sa pinal na five percent.

Tiniyak naman ni House Speaker Martin Romualdez na magiging resonable ang batas sa lahat at maghahanap sila ng “win-win” solution sa isyu ng MUP pension kung saan prayoridad ang kapakanan ng mga retiree na nagserbisyo sa bayan.

Mahigpit nga ang kautusan ni Romualdez sa Committee on Appropriations at Ways and Means Committee na agad mangalap ng P120 bilyon para sa pension fund ng MUP ngayong taon. Aniya, P3.6 trilyon ang kailangan ng gobyerno sa susunod na 30 taon para matugunan ang problema sa pension fund ng MUP.

Saan kukunin ang pondo upang matugunan ang kakulangan sa pagbibigay ng pensiyon sa MUP?

Ayon sa isang mambabatas, sa savings daw ng pamahalaan at pagbabawas sa mga gastusin na hindi naman mahalaga.

May savings pala ang pamahalaan, eh sana huwag lang sa pension ng kapulisan ilaan. Pwede palang magbawas sa mga gastusin na hindi mahalaga pero sana hindi lang para sa prayoridad ng sandatahang lakas.

Pantay, patas at makatarungan para sa lahat ang paglalaan ng savings dahil lahat ng sektor, grupo ng tao, uri ng manggagawa ay mahalaga.

Speaking of kapulisan, habang pinagdedebatehan kung dapat kayong mag-contribute o hindi para sa inyong pensyon, sana ay pag-igihan din ninyo ang pagtatrabaho.

Tulad na lang nitong sinasabing natakasan kayo ng Chinese na isa sa mga hinuli sa POGO hub sa Las Piñas City.

Buti na lang at nasabat ng Bureau of Immigration ang 25-anyos na si Huang Rongcu kaya balik-selda na ito.

Ayon sa BI, kamakailan ay may dalawa ring Vietnamese nationals na dapat nakakulong dahil naaresto ang mga ito sa isang cryptocurrency scam center sa Mabalacat, Pampanga, ang natuklasang nasa laya.

Galaw-galaw Chief PNP, Police General Benjamin C Acorda, Jr., ipakita n’yo ring sulit ang malasakit ng taumbayan para sa inyong mga benepisyo.

170

Related posts

Leave a Comment