ISANG mahigpit na direktiba ang inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) kay Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin Jr. – itigil ang pagtatalaga ng mga bodyguard na pulis sa mga POGO officials.
Partikular na pinuntirya ni DILG Secretary Benhur Abalos ang PNP-Security Police Security and Protection Group na aniya’y siyang nagpapadala ng mga escort na pulis sa hiling ng mga POGO operators.
Nang tanungin kung kailan magkakabisa ang kanyang direktiba, galit na tumugon si Abalos ng – “Effective immediately.”
Bago pa man lumabas ang direktiba ni Abaloss, una nang hiniling ni Azurin na rebisahin ang mga umiiral na reglamento sa pagpasok ng mga dayuhang empleyado ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) bilang bahagi ng tugon ng PNP sa gitna ng kabi-kabilang kidnapping incidents na kinasasangkutan ng mga POGO workers.
“It is high time that we reassess, we reevaluate our policies on POGO employees entering the country. This is why we require that they should be given a national police clearance so we have a means to check who these Chinese nationals are and at the same time, we ensure that those entering the country are not criminals,” giit ni Azurin
Dapat rin aniyang magpatupad ng “regular checking” sa hanay ng mga dayuhang POGO workers sa hangaring tiyakin na nasa ayos at lehitimo ang dahilan ng pananatili sa bansa ng mga Tsino.
Para naman kay Finance Secretary Benjamin Diokno, pabor siyang ipatigil na lamang ang operasyon ng mga POGO firms sa bansa.
Katwiran ng Kalihim, mas malaki ang dulot nitong perwisyo sa lipunan kumpara sa naisasampang pondo sa gobyerno. Katunayan pa ani Diokno, nasa P3.9 bilyon lang ang pumasok na kita ng pamahalaan mula mga POGO operators para sa taong 2021 – malayo sa P7.2 bilyong ganansyang pumasok noong taong 2020.
