ABOGADONG DISKUMPYADO

SA loob ng halos isang taon, nanatiling bigo ang Department of Health (DOH) sa pinagkakagastusang information ­campaign na magbibigay ng liwanag at kukumbinsi sa target population hinggil sa buting dulot ng bakuna kontra COVID-19.

Patunay nito ang pagmamatigas ng ­ilang mga opisyal ng gobyerno, kabilang si Public Attorney’s Office (PAO) chief Persida Acosta na maturukan ng COVID-19 vaccine sa dahilang ‘di siya kumbinsidong ligtas at mabisa laban sa nakamamatay na karamdaman ang mga gamot na laman ng hiringgilya gamit sa pagbabakuna.

Ang pagiging bantulot ni Acosta, nagpapakita lamang ng kabiguan ng pamahalaan na kumbinsihin maging ang mga taong ­gobyerno sa kanilang istruktura.

Ang totoo, hindi lamang si Acosta ang wala pang bakuna. Marami ‘yan, lahat sila may agam-agam sa epekto ng bakuna sa kanila batay na rin sa salungat na teorya ng iba pang mga dalubhasa sa siyensya.

Kaya naman ang solusyon ng DOH, makiusap na lang kay Acosta.

Giit ni Health Secretary Francisco Duque, mas mainam kung may proteksyon kontra COVID ang abogada lalo na aniya’t may edad na.

Ang totoo, hindi si Acosta ang dapat igisa kundi ang bagong direktibang ipinagpipilitan sa masa. Hindi na naman bago ang mga magulong polisiya kaugnay ng ­pandemya. Mula pa noong pumasok ang banta, nagkanya-kanyang paandar na ang mga taong itinalaga para tugunan ang problema.

Ang siste, sinabayan pa ng mga dorobo sa gobyerno at mga mapagsamantalang kapitalista ang dambuhalang problemang sukdulang nagpapalugmok sa ating bansa.

Kung nais ng pamahalaang sumunod ang publiko, higit na marapat muna silang maging magandang ehemplo.

244

Related posts

Leave a Comment