NANG isabatas ang Republic Act 7941 (Party-list System Act) noong taong 1995, layon nitong bigyan ng tinig ang mga abang sektor ng lipunan sa Kongreso – mga obrero, magbubukid, mangingisda, maralitang tagalungsod, katutubo, senior citizens, kabataan, may kapansanan, kababaihan, beterano ng digmaan, mga manggagawang Pilipino na nakikipagsapalaran sa ibayong dagat at mga propesyonal.
Bagama’t mayroon din namang tunay na kumakatawan sa kanilang sektor na kinabibilangan, higit na marami ang naging kongresista gamit ang mga sektor na hindi naman nila kinabibilangan.
Ang totoo, marami sa kanila’y mula sa malalaking angkan sa larangan ng pulitika. Mayroon din malapit sa Palasyo, mga negosyante, mga komunista at mga utak-sindikatong tanging hangad lang ay ang mahilab ang pondong kalakip ng puntiryang pwesto.
Maging si Pangulong Rodrigo Duterte, aminadong lubhang inaabuso ang party-list system. Aniya, sinasamantala ng mga may salapi ang pwestong sadyang inilaan sa mga sektor ng lipunang napag-iiwanan sa talaan ng mga prayoridad ng pamahalaan.
Mayroon din namang hangad lang ilugmok ang bayan at yaong mga sugong tanging pakay sa Kamara ay magsilbing kontrapelo sa mga panukalang binalangkas para iangat ang buhay ng mamamayan.
May kumakatawan sa sektor ng kalusugan pero wala naman palang kinalaman sa siyensya at medisina, mga kongresistang kunwari’y kinatawan ng mga maralita pero milyonaryo naman pala. May kumakatawan sa mga gwardya pero hindi kailanman nagtrabaho bilang tagabantay man lang ng karinderya. Meron din namang kumakatawan sa OFW pero ang recruitment agency pala ang negosyo.
May mga kumakatawan sa urban poor pero kahit kailan ‘di naranasan ang tumira sa squatters’ area. May mga nagkukunwaring magsasaka pero kahit kailan hindi naman pala nakapagtanim man lang ng halaman sa paso. Nariyan din ang tumitindig na kinatawan ng mangingisda pero ang pagsagwan ng bangka ‘di pa niya nagawa.
Sa madaling salita, piso tumpok ng mga pekeng party-list sa Kongreso. Sa ilalim ng RA 7941, 20% ang inilaang pwesto para sa party-list. Kung mayroong 300 miyembro ang Kamara, lumalabas na 60 ang nabibilang sa party-lists.
Ilan ba sa uupong party-list representatives ang tunay na kumakatawan at nagsusulong sa kapakanan ng sektor na kanilang dala sa Kamara?
169 