DINAKMA ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa umanong kaanib ng grupong Abu Sayyaf sa Brgy. Culiat, Quezon City.
Nahaharap sa patong-patong na kaso ang natimbog na si Albazir Abdulla y Hamsi na may alyas na “Abu Saif”.
Base sa ulat ng NBI-Counter Terrorism Division (NBI-CTD) na isinumite kay NBI Officer-In-charge (OIC) Director Eric Distor, natunton ang kinaroroonan ng suspek sa Salam Compound sa nabanggit na lugar.
Bunsod nito, agad nagresponde ang mga tauhan ng NBI at nadakip sa operasyon ang nasabing suspek na nahaharap sa kasong kidnapping and serious illegal detention.
Gayunman, nabatid na si Abdulla ay sangkot din sa 2001 Golden Harvest Plantation kidnapping sa Barangay Tairan makaraang mamataan ito ng isa sa kanilang mga biktima na unang sinabi na isang Abu Saif ang isa sa mga sumalakay sa plantasyon.
Katuwang ng NBI ang ilang mga tauhan ng Philippine Army nang salakayin nila ang lugar sa isinagawang follow-up operation, may ilang taon na ang nakararaan.
Isa sa mga biktima ng kidnapping ang nagturo sa suspek at kalaunan ay nakilala ito sa tunay nitong pangalan
Ayon kay Director Distor, patuloy silang magsisiyasat upang mabatid kung may iba pang mga kaanib ng ASG ang lumapag na sa Metro Manila na ginagamit na taguan ng mga bandido.
Una nang naaresto ang isa ring miyembro ng ASG noong Mayo 7, 2021 sa Maharlika Village sa Taguig City na kinilalang si Wahab Jamal alyas “Ustadz Halipa”.
Nabatid pa kay Distor na taong 2001 nang magsimulang maghasik ng kaguluhan ang mga bandidong Abu Sayyaf na pinamunuan ni Isnilon Hapilon, kasama ang ilang lider ng ASG na sumalakay sa Golden Harvest Plantation sa Brgy. Tairan, Lantawan, sa lalawigan ng Basilan.
Dalawa sa mga biktima ng mga ito ang pinugutan ng ulo ng mga bandido. (RENE CRISOSTOMO)
496
