NASABAT sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group na pinaniniwalaang kasama sa pagsalakay at pagkubkob ng simbahan, ospital, at mga pasyente sa bayan ng Lamitan noong taong 2001.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang suspek na si Omar Bin Harun, 52-anyos, at na-intercept noong May 10 ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) Anti-Terrorist Group (AG) sa arrival area ng NAIA terminal 2.
Si Omar ay lulan ng Philippine Airlines flight (PAL) galing sa Kuala Lumpur, gamit ang fraudulently acquired Malaysian passport, nang ma-intercept ng mga awtoridad sa Immigration counter.
Batay sa nakalap na intelligence report ng BI, si Omar ay sangkot sa 2001 Lamitan Siege, na umokupa ng simbahan at ospital, kung saan ginawang hostage ang mga pari, medical staff at mga pasyente ng hospital.
Ayon kay BI-NAIA Anti-Terrorist Group (ATG) Chief Bienvenido Castillo III, si Omar ay konektado sa ISIS terrorist group.
Dagdag pa ni Castillo, si Omar ay mayroong nakabinbin na warrant of arrest na inisyu ng Philippine National Police (PNP) Southern Police District, ilang taon na ang nakakalipas. (FROILAN MORALLOS)
257 