MATATANGGAL na sa Philippine National Police (PNP) ang babaeng pulis sa lungsod ng Malabon dahil sa pagpapaputok ng kanyang baril.
Ang pagsibak kay Staff Sergeant Karen Borromeo, 39, ay nakabatay sa utos ni Interior Secretary Eduardo Año.
Idniin ni Año na hindi isyu kung mayroong personal na away si Borromeo at ang kanyang karelasyon o nagdiwang ng Bagong Taon ang nasabing pulis dahil ang tanging usapin ay nagpaputok siya.
Batay sa imbestigasyong ipinag-utos ni Northern Police District (NPD) Director, Brig. Gen. Eliseo Cruz, 14 beses nagpaputok si Borromeo ng kanyang 9 mm pistol sa harapan ng kanyang bahay sa Brgy. Ibaba, Malabon City.
Nahaharap ang nasabing pulis sa kasong administratibo na posibleng ikatanggal niya sa PNP, at kasong kriminal upang siya ay makulong.
Nakasaad din sa imbestigasyon na positibo sa pulbura ng mga bala ang kamay ni Borromeo.
Ang utos ni Año ay itinuturing na “malinaw na mensahe” sa mga pulis na tatanggalin sa PNP ang mga abusadong kasapi nito. (NELSON S. BADILLA)
189
