(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
INAMIN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nananatiling namamayagpag ang illegal drugs at korapsyon sa bansa sa kabila ng ginawang reporma ng pamahalaan.
“While we were busy instituting reforms between ogres of illegal drugs and corruption laid low for a while only to resurface as still with us and make no mistake about it,” ani Pangulong Duterte sa kanyang pang-anim at huling State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa kahapon.
“Corruption is but another term of stealing people’s money dashing in its way in nation’s goals and aspirations,” dagdag na pahayag ng chief executive.
Ang giyera laban sa ilegal na droga ay isa rin sa campaign promise ng pangulo ngunit hindi pa nawawakasan.
Simula nang ikasa ang kontrobersiyal na anti-narcotics campaign, ang huling naitala ng pamahalaan ay 203,715 drug operations ang nagawa. Sa operasyon na ito ay 6,147 drug suspects ang namatay habang 293,841 naman ang naaresto ng kapulisan.
Sa pagsisimula ng kanyang SONA ay inisa-isa ni Pangulong Duterte ang achievements ng administrasyon.
“When I ran for presidency, I just made fundamental processes and strangely, you can count them by the fingers on your hand,” anito.
Kabilang sa mga achievement na binanggit ng pangulo ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, the Universal Health Care Law, at Free Irrigation Act.
Police colonel
‘ipinapapatay’
Hindi naman nakaligtas sa matatalim na pananalita ng pangulo ang isang police colonel na nasa likod umano ng pagbili ng AK-47.
Ayon kay Duterte, kung kinakailangan ay barilin ang naturang colonel dahil nagpasok umano ito ng AK-47 na ginamit ng New People’s Army (NPA) sa pagpatay sa mga sundalo.
Kasamang binakbakan ni Duterte ang mga lider ng komunista dahil bilyon-bilyon umano ang tax na kinokolekta ng mga ito sa taumbayan subalit ginagamit lamang ng kanilang mga lider tulad ni Jose Ma. Sison at iba pa para sa sariling kapakanan at pagpapaaral ng kanilang mga anak sa ibang bansa.
Kasabay nito, inatasan ni Duterte si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na imbestigahan ang mga pulis na nagpasok umano ng mga armas na AK-47 para sa Philippine National Police (PNP) subalit napunta aniya sa mga komunista at ipinampatay sa mga sundalo.
“This policemen still there I think. Maraming sundalo namatay dahil armas na pinasok nila dito sa Pilipinas. So my orders to you, if you see them around kindly shoot them dead then I am happy,”ani Duterte.
Hindi naman niya pinangalanan ang tinutukoy na police colonel.
Martial law vs corruption
Tinalakay din ni Duterte ang isyu ng katiwalian sa Bureau of Immigration (BI) kung saan ipinagmalaki nito na sinibak niya ang may 43 tauhan ng ahensya na sangkot umano sa pastillas scam.
Ang pastillas scheme ay paghingi ng lagay ng mga tiwaling BI official sa mga Chinese national na kanilang pinapayagang pumasok sa Pilipinas para magtrabaho sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Sinabi ng pangulo na ipagpapatuloy niya ang kampanya laban sa katiwalian sa gobyerno subalit inamin nito na malala ang problemang ito dahil nasa sistema na aniya ito.
Payo rin niya sa susunod na pangulo ay magdeklara ng martial law upang matigil aniya ang katiwalian.
Modernisasyon
ng security forces
Tiniyak din ni Pangulong Duterte na ipaprayoridad niya ang modernisasyon ng state security forces dahil sa patuloy na banta ng ilegal na droga, problema sa kriminalidad at insurgency.
Aniya, bago siya maupo bilang pangulo, ang communist insurgency, paglaganap ng illegal drugs at kriminalidad ay matinding problema ng lipunan.
Ang military at police ay hindi aniya “well-equipped” para tugunan ang mga nasabing usapin.
“This is why I made it a priority to strengthen the institution, boost the morale of the Armed Forces of the Philippines and the Philippine National Police and other armed services,” dagdag na pahayag nito.
Tuloy ang protesta
Sa kabila ng banta ng COVID-19, hindi naman napigil ang tinatayang 3,000 katao na lumahok sa protesta sa Quezon City.
Nasa 15,000 kapulisan naman ang itinalaga para sa seguridad sa SONA ng pangulo.
Sa bilang na ito, 11,800 ang mga police personnel habang ang natitirang bilang ay mula sa pwersa ng organisasyon ng mga ahensya ng gobyerno.
217 