Active cases tumaas 1 TODAS SA COVID SA NAVOTAS

KASABAY nang pagiging kampante at hindi na pagsunod ng maraming residente at bumibyahe sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area sa health protocols gaya ng pagsusuot ng face mask at physical distancing, isang COVID patient ang binawian ng buhay sa Navotas City noong Disyembre 7.

Bukod dito, dumoble sa 14 ang dating bumaba na sa pitong active COVID cases sa lungsod matapos na walo ang nagpositibo sa virus at iisa lamang ang gumaling.

Pumalo na sa 17,633 ang active COVID cases sa fishing capital, kung saan 17,074 na ang gumaling at umakyat sa 545 ang bilang ng mga namatay.

Nakapagtala naman ng 32 na active COVID cases sa Valenzuela City noong Disyembre 7 matapos na apat ang nahawaan at anim naman ang gumaling.  Sumampa na sa 35,839 ang confirmed cases sa lungsod, at dito ay 34,977 na ang gumaling at 830 ang namatay.

Samantala, ayon sa Malabon City Health Department, isang pasyente mula sa Barangay Tañong ang nadagdag na confirmed case noong Disyembre 7. Sa kabuuan ay 21,291 ang positive cases sa Malabon, 11 dito ang active cases.

Habang isang pasyente mula sa Barangay Bayan-bayanan ang nadagdag sa bilang ng mga gumaling. Sa kabuuan ay 20,629 ang recovered patients ng lungsod at nanatili sa 651 ang COVID death toll. (ALAIN AJERO)

191

Related posts

Leave a Comment