HALOS tatlong dosena ang aktibong kaso ng coronavirus 2019 o COVID-19 sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito ang kinumpirma ni House Secretary General Mark Leandro Mendoza sa mga mamamahayag, na unang report ng Kamara mula noong Enero, bagama’t lingguhang nagsasagawa ng antigen test sa mga empleyado.
“Currently as of March 16, 2021 we have 29 active cases,” ani Mendoza subalit hindi kasama sa bilang na ito ang mga mambabatas na sa labas ng Kamara nagpa-test tulad nina Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor at Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong.
Wala ring report si Mendoza kung ilan ang nagkaroon ng COVID-19 sa Mababang Kapulungan mula noong Marso 2020 dahil tumigil ang mga ito sa pagpapalabas ng update report.
Unang sinabi ng isang gwardya sa Kamara sa Saksi Ngayon, na tuwing Lunes na isinasagawa ang lingguhang antigen test sa mga empleyado, ay may 5 hanggang 7 katao ang isinasakay sa ambulansya palabas ng Batasan Complex dahil positibo ang mga ito.
Sa kabila ng dami ng mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Kamara ay mistulang hindi ito ikinababahala ng liderato ng Kamara at wala umano silang balak na magsuspendi ng trabaho
“That’s (kaso ng COVID) okay. karamihan is mild naman, so manageable siya kasi everyday ang antigen testing na ginagawa natin,’ ayon pa kay Mendoza.
Bukod dito, pinabawasan aniya ni House Speaker Lord Allan Velasco ng 70% ang trabaho sa Kapulungan upang hanggang 30% lang sa mga empleyado ang puwedeng pumasok habang ang natitira ay work from home na.
Itinakda rin ng kapulungan na hanggang alas-sais na lamang ng gabi ang sesyon sa Kongreso. (BERNARD TAGUINOD)
