UMAKYAT sa 544 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Maynila noong Enero 2, 2022.
Mas mataas ang naturang bilang sa naitalang 435 aktibong kaso noong Enero 1 at 312 aktibong kaso sa pagtatapos ng 2021 noong Disyembre 31.
May pinakamataas na aktibong kaso ang Tondo 1 na may 179 kaso, kasunod ang Sampaloc na may 74, ikatlo ang Tondo 2 na may 66 kaso, ikaapat ang Sta. Mesa na may 45 kaso, at ikalima ang Sta. Cruz na may 38 aktibong kaso.
Umabot na sa 93,444 ang kabuuang kumpirmadong kaso sa Maynila na may 91,126 recoveries at 1,774 na ang namatay.
May average ngayon na 35% COVID-19 bed occupancy rate sa anim na district hospitals sa lungsod. Pinakamataas ang occupancy rate sa Ospital ng Tondo na may 94%, 53% sa Justice Jose Abad Santos General Hospital, 45% sa Ospital ng Sampaloc, 39% sa Gat Andres Bonifacio Hospital, 37% sa Sta. Ana Hospital, at 15% sa Ospital ng Maynila.
Naitala ang bed occupancy rate ng COVID Field Hospital sa 85% habang nananatiling mababa ang occupancy rate sa COVID quarantine facilities na nasa 3% lamang. (RENE CRISOSTOMO)
