AABUTIN pa ng anim na taon ang buhay ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ay batay sa pagtantya ni Senate Finance Vice Chairperson Pia Cayetano, sponsor ng proposed 2021 budget ng Department of Health (DOH).
Sa plenary deliberations ng Senado kaugnay sa DOH budget, sinabi ni Cayetano na posibleng tumagal pa ng anim na taon ang buhay ng PhilHealth kung hindi muna ipatutupad ang ‘Konsulta Package’ o ang programa para sa out-patients.
“The lifespan could be expanded to six years without the implementation of Konsulta Package,” pahayag ni Cayetano.
Sa pagtatanong ni Senate President Vicente Sotto III, sinabi ni Cayetano na batay sa datos, ang programa ay pinopondohan para sa susunod na taon ng P68 bilyon.
Sinabi ni Cayetano na kung siya ang tatanungin, mas makabubuting hindi muna ipatupad ang programa lalo na kung hindi naman ito mapaninindigan ng pondo.
Inamin ni Cayetano na duda rin siya sa pagtaya na hanggang sa susunod na taon na lamang tatagal ang PhilHealth.
Ito anya ay dahil may pondo ang PhilHealth na magmumula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Gaming Corporation (PAGCOR) at maging sa sin tax.
Matatandaang sa pagdinig sa Senado hinggil sa mga iregularidad sa PhilHealth, inamin ng ahensya na posibleng abutin na lamang hanggang sa susunod na taon ang actuarial life nito. (DANG SAMSON-GARCIA)
227 