ADIK, SUGAROL, LASENGGO SAPUL SA DIVORCE

MISTULANG regalo ng mababang kapulungan ng Kongreso ngayong Women’s Month sa kababaihan lalo na sa mga may mister na adik, sugarol at lasenggo ang divorce.

Sa press conference ng Minority bloc sa Kamara, sinabi ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas na tapos na ang trabaho ng Technical Working Group (TWG) sa Divorce Bill at nakatakda na itong isalang sa plenaryo para pagdebatehan at aprubahan.

Sinabi ni Brosas na malaking tulong ang Divorce Bill sa kababaihan na hindi makawala sa kasal dahil walang kakayahan ang mga ito na gumastos ng hanggang P250,000 para sa annulment o kaya ay legal separation.

Ayon kay Brosas, ang mga mag-asawa na hindi na nagsasama sa loob ng 6 na taon ay maaari nang maging ground ng divorce at hindi na kailangan ang consent ng bawat isa para sa pagsasampa ng nasabing petisyon sa Korte.

Bagama’t mananatili ang tinatawag na “psychological incapacity” sa Divoce bill na siyang ginagamit na ground sa annulment, sinabi ni Brosas na hindi na kailangan ang eksperto para patunayan ito.

“Meron lang nakalagay dun na provision na pagka-chronic cases halimbawa sa drugs, cronic gambling, excessive drinking, hindi na kinakailangan ng expert,” ayon pa sa mambabatas.

Nangangahulungan na mas mapadadali ang pag-apruba sa divorce na ihahain ng isa sa mag-asawa kapag halatang adik sa ilegal na droga, sugal at alak ang kanilang asawa. BERNARD TAGUINOD

213

Related posts

Leave a Comment