TINIYAK ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang buong suporta nito sa law enforcement at counterintelligence operations kasunod ng pagkakaaresto sa isang hinihinalang Mongolian spy na lisensyadong jet fighter pilot.
Ayon sa AFP, ipinauubaya nila sa Bureau of Immigration at iba pang lead agencies ang detalye ng imbestigasyon at legal proceedings.
“The AFP continues to closely coordinate with intelligence and security partners to monitor and address potential threats,” ayon sa pahayag ng AFP.
Inatasan din ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng yunit nito na paigtingin ang intelligence monitoring matapos maaresto ang 30-anyos na Mongolian aviation student sa Iba, Zambales.
Nadakip ang suspek sa operasyon ng Bureau of Immigration katuwang ang PNP, AFP at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Kinilala ng National Security Council ang suspek na si Bold-Erdene Boldbaatar, estudyante ng All Asia Aviation sa Zambales.
Ayon sa ulat, lisensyado umano itong jet fighter pilot ng Chinese military at nagtago ng kanyang military background at serbisyo sa People’s Liberation Army, kabilang ang jet fighter license mula sa PLA Air Force Aviation University.
Batay sa intelligence reports, kumuha umano ang suspek ng aerial photos ng Iba airport at kalapit na Palauig River.
Dinakip si Boldbaatar matapos umanong hindi ideklara ang kanyang military affiliation at aviation combat training sa pag-apply ng Philippine visa at Special Study Permit.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya at nahaharap sa kasong paglabag sa Commonwealth Act 613 o Philippine Immigration Act of 1940.
(JESSE RUIZ)
10
