MAGING ang sentro ng kapangyarihan, hindi nakalusot sa peligrong dala ng pandemya. Ang Malakanyang ay biglang nawindang nang ang mga kawani nito’y biglang tamaan. Pag-amin ng Palasyo, marami sa kanila ang nahawaan ng lintek na nakamamatay na karamdaman.
Ayon mismo kay Sec. Karlo Nograles na tumatayong tagapagsalita ng Palasyo, wala roon ang Pangulo – pansamantalang lumisan bilang pag-iwas sa nakaambang perwisyo. Nasaan ang Pangulo, usal ng mga tao – andun sa kanyang balwarte, tugon naman ng tagapagsalita ni Duterte.
Sang-ayon kay Nograles, pansamantalang sarado ang ilang tanggapan sa Palasyo, kasama na yaong mismong opisina ng Pangulo.
Pero teka, ano na nga ba ang tunay na lagay ng Pangulo? Giit ng Palasyo, apektado ang mga schedule ng Pangulo pero hindi sinabi kung ito ay nagpositibo.
Sa tugon ni Nograles, humugong ang tsimis sa hanay mismo ng mga kawani ng gobyerno sa mismong Palasyo. Sila yaong may mga agam-agam sa totoong kalagayan ng punong ehekutibo na tila nag-aalala o sadyang nakikisawsaw lang.
Sa kabila ng samu’t saring suspetsa, lumabas ang Pangulo sa kanyang lingguhang ulat sa publiko. Ang dating tikas at balasik ng salita, sa isang iglap lang nawala. Ang kanyang tono tila nanghihina, nanlulumo na wari’y may karamdaman.
Pag-amin ng Pangulo, lagas halos lahat ng mga kawani sa Palasyo – may mga nagpapagaling sa karamdaman habang ang iba naman ay inoobserbahan baka kasi sila rin ay tinamaan.
Nakalulungkot lang isiping walang sagot ang Palasyo sa tunay na estado sa kalusugan ng Pangulo. Ano ba ang masama sa pagsasabi ng totoo?
Ang sagot – wala. Kasi nga naman, atin nang nakasanayan.
205 