HINDI na nakapagtimpi si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa gitna ng patuloy na bangayan sa trono nina Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kaya binalaan niya ang mga ito na ayusin ang anomang gusot.
Ayon sa pangulo, sa administrasyon babagsak ang nangyayaring gulo sa mga kongresista.
Ani Duterte, hindi naman mga pangalang ” Alan o Lord” ang babanggitin ng mga tao kapag napag-usapan ang away sa Kongreso.
Ang maaalala aniya ng tao ay sa kanyang administrasyon nangyari ang gulo sa halip na ibato ang baho sa mga mambabatas na nag-aagawan ngayon sa kapangyarihan.
Sinabi ni Pangulong Duterte na ang gusto niya sana’y maging maganda ang kanyang administrasyon at huwag makaladkad o madamay sa bangayan ng mga kongresista.
Kapag nangyari aniya ito ay doon na magkakaroon ng problema.
” If you do not solve the problem, then I will solve the problem for you. Mamili kayo.”
Ito ang may halong pagkapikon na tinuran ng pangulo sa kanyang biglaang virtual press conference sa Malacañang Golf Clubhouse, Huwebes ng gabi.
Mistulang ultimatum ito kina Cayetano at Velasco na resolbahin ang bangayan at tiyakin na maipapasa ang P4.5-trillion national budget sa tamang oras.
Sablay si Cayetano
Para umano kay Pangulong Duterte, mali ang ginawa ng Kamara na suspendihin ang sesyon nang hindi muna ipinapasa ang 2021 national budget kabilang na ang pondo para sa coronavirus pandemic.
Pinakinggan kasi ng Kongreso ang mosyon ni Cayetano na ipasa ang national budget sa ikalawang pagbasa at suspendihin ang sesyon hanggang sa kalagitnaan ng Nobyembre bago pa ipaubaya ang House leadership kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco dahil sa term-sharing agreement.
“I think that’s the message of the President: that it (session suspension) shouldn’t have happened because they should have stuck with the calendar,” ayon kay CabSec Nograles.
Hindi aniya maaaring sabihin ng Kongreso na walang politicking o kahit na anomang development na makapagde-delay sa national budget kapag nagbalik ang sesyon sa Nobyembre.
“Any slight delay on that will have a cascading effect… What if something else happens? Why take a chance, when you can already pass the budget now, as prescribed by the legislative calendar?” balik tanong ni CabSec Nograles.
Hinikayat naman nito ang Kongreso na mag-convene at muling simulan ang budget deliberations at ipasa ang budget bago ang session break.
Suportado sa Senado
Kaugnay nito, sinuportahan ni Senador Panfilo Lacson ang planong “panghihimasok” ni Pangulong Duterte sa giyerang-pulitikal nina Cayetano at Velasco upang maiwasan ang budget impasse.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lacson na option ng pangulo na gawin ang dapat gawin kahit pa direktang “manghimasok” para malutas ang isyu sa speakership upang maisabatas ang 2021 national budget.
“It is the President’s option to do whatever is necessary, even taking a “direct” hand in resolving the Speakership issue, with the timely passage of the 2021 national budget as his only consideration. After all, anything that has to do with national interest should involve the President,” ayon kay Laccson.
Sinabi ni Lacson na sakaling malutas ni Pangulong Duterte ang sigalot, dapat pasalamatan ang chief executive dahil nailigtas nito ang bansa sa mas matinding krisis kapag walang badyet. (CHRISTIAN DALE/ESTONG REYES)
131
