BINALAAN ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang pamahalaan hinggil sa patuloy na paglaganap ng agricultural smuggling, na tinawag niyang direktang banta sa seguridad ng pagkain at katatagan ng bansa.
Iginiit ni Pangilinan na matagal nang sistematiko ang pagpapahina sa lokal na sektor ng agrikultura dahil sa talamak na pagpupuslit ng produktong agrikultural.
Binigyang-diin niya na winawasak ng agricultural smuggling ang kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda at dinudurog ang lokal na produksyon ng pagkain.
Dahil dito, nagiging mas mahirap para sa Pilipinas na pakainin ang lumalaking populasyon, lalo na sa panahon ng krisis at pag-angat-baba ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Kasabay nito, binatikos ng senador ang mabagal at aniya’y kulang na tugon ng pamahalaan sa problema.
Ibinunyag din ni Pangilinan na base sa imbestigasyon ng komite, may operasyon ng mga Chinese syndicate — kahalintulad sa mga ipinagbawal na POGO — na nasa likod ng malakihang agricultural smuggling.
Ayon sa kanya, pinalalakas ang mga sindikatong ito ng ilang tiwaling opisyal at empleyado sa mga ahensya ng gobyerno na tumatanggap umano ng kickback kapalit ng pagpasok ng puslit at delikadong produktong agrikultural.
(Dang Samson-Garcia)
30
