AHENSYA NI SARA NUMERO UNONG INIREREKLAMO

BUMIDA ang Department of Education (DepEd) sa talaan ng mga ahensya ng pamahalaan batay sa isinagawang imbentaryo sa mga reklamong natanggap ng Contact Center ng Bayan (CCB) na pinangangasiwaan ng Bayan ng Civil Service Commission (CSC).

Sa datos ng CCB mula Enero hanggang Nobyembre, 99.81% ng kabuuang bilang ng mga idinulog na reklamo sa kanilang tanggapan ang nabigyang solusyon ng CSC na nakipag-ugnayan sa mga inirereklamong ahensya.

“Nananawagan ang CSC sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno na pairalin at paigtingin ang feedback mechanism at pakikinig sa hinaing ng ating mga kababayan. Taun-taon, ito ang gawin nating regalo sa kanila – ang mas mabilis at mas mahusay na serbisyo publiko,” ani CSC chairman Karlo Nograles.

Bukod sa DepEd na pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim, pasok rin sa talaan ng mga ahensyang palaging inirereklamo ang Land Transportation Office (LTO), Department of Health (DOH), Social Security System (SSS), Bureau of Internal Revenue (BIR), Department of Foreign Affairs (DFA), Land Registration Authority (LRA), Home Development Mutual Fund (HDMF), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Philippine Statistics Authority (PSA).

Bigo rin makapasok ang DepEd sa talaan ng “most responsive government agencies” na kinabibilangan ng HDMF, DSWD, BIR, Government Service Insurance System (GSIS), BIR, Philippine National Police (PNP), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), SSS, Philippine Postal Corporation, DOH at DFA.

Batay sa dokumentong ipinrisinta ni Nograles, umabot sa 126, 375 reklamo ang natanggap ng CSC sa unang 11 buwan ng kasalukuyang taon. Sa nasabing bilang,126,140 ang naresolba.

“The most common complaints against government agencies in 2022 were still on slow process, discourtesy, poor service/facility, failure to act on request, and unattended hotline numbers,” ani Nograles.

Paalala pa ng opisyal, mayroong Implementing Rules and Regulations (IRR) ang Republic Act. No. 11032 (Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act) na nagtatakda ng mekanismo para sa maayos na pakikitungo ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa kanilang pinagsisilbihan. (BERNARD TAGUINOD)

207

Related posts

Leave a Comment