AKSAYA LANG SA ORAS

KUNG pagbabatayan ang Konstitusyon, ­malinaw sa mga kalakip na probisyon ang mekanismong halalang garantiya ng demokrasyang naninindigan sa tinig ng mas nakararami.

Sa ginanap na halalan nito lamang nakaraang Mayo 9, hindi bababa sa 31 milyong rehistradong botante ang nagpahiwatig ng kumpyansang uunlad ang bansa sa kamay ng kanilang taong ibinoto.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, biglang may umeksena sa kabila ng milya-milyang agwat sa isa pang kandidatong nakakuha lang ng 14.8 milyong boto. Giit sa petisyong inihain sa Korte Suprema, idiskwalipika ang nanalong kandidatong si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Hay naku… bakit kaya may mga taong hindi marunong tumanggap ng pagkatalo? O baka naman sadyang wala silang respeto sa tinig ng mas nakararaming Pilipino.

Ang totoo, ang petisyong diskwalipikasyon sa kandidatura ni Marcos ay dalawang ulit nang napagpasyahan ng Commission on Elections (Comelec), ang ahensyang binigyan ng mandato para pangasiwaan at tiyakin ang isang patas, tapat, maayos at mapayapang halalan.

Buwan ng Abril nang ilabas ng Comelec First Division ang hatol sa inihaing petisyong nagsusulong ibasura ang kandidatura ni Marcos.

Sumunod namang tinalakay ang nasabing usapin sa Comelec en banc. Ang hatol – walang basehan ang petisyon.

Sa hudyat ng Comelec, natuloy ang halalan at kabilang si Marcos sa 10 kandidato sa posisyon ng pangulo. Nagkanya-kanyang gimik ang mga kandidato sa pangangampanya.

Nang dumating ang takdang araw ng halalan, nagpasya ang mga Pilipino – Marcos ang kanilang pinili. Pero ang kampo ni Vice President Leni ­Robredo, ayaw talagang magpatalo kaya marahil itinulak ang petisyong diskwalipikasyon sa Korte Suprema.

Bakit hindi recount? Kasi nga tanggap nilang bigo silang kumbinsihin iboto ang manok nila ng mas maraming mamamayan. Wala sa kanilang plano ang maghain ng protesta tulad nang ginawa ni Marcos noong siya’y talunin ni Robredo sa posisyon ng pangalawang pangulo noong 2016 presidential election. Natalo at tinanggap ni Marcos ang hatol ng husgado.

Kaya ang kanilang remedyo, balik sa petisyong dalawang ulit nang napagpasyahan ng komisyon!

Ayon sa mga eksperto sa batas, walang kapupuntahan ang nasabing petisyon. Para sa kanila, basura ang petisyon. Ang oras na dapat sana’y ituon sa santambak na asuntong nakahain sa husgado, aagawin pa ng mga taong ‘di marunong tumanggap ng pagkatalo.

Sa puntong ito, higit na kailangan sigurong ­ipaalala sa mga naghain ng petisyon na ang bansang Pilipinas ay nakasandig sa demokrasya.

Hindi kapritso ang dapat mangibabaw. Utang na loob, igalang natin ang pasya ng mamamayang Pilipino.

92

Related posts

Leave a Comment