KATUWANG ang Philippine National Police (PNP), inilunsad nitong Lunes, Hunyo 16, 2025, ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ‘May Huli Ka’ web application, sa punong tanggapan nito sa Pasig City.
Ayon kay MMDA Chairman Atty. Don Artes, layunin ng nasabing website app na ma-access ng mga motorista at malaman kung mayroong violations na na-capture ang mga surveillance CCTV camera sa ilalim ng ‘No Contact Apprehension Policy’ (NCAP) ng ahensya.
Sinabi pa ni Artes, ang digital platform project na ito ay idinisenyo sa ilalim ng Communications and Command Center bilang tugon ng ahensya sa mga panawagan na maging transparent ang pagpapatupad ng batas trapiko sa Kalakhang Maynila.
Idinagdag pa ng MMDA, maaari nang i-check ng mga motorista sa ‘mayhulika.mmda.gov.ph’ kung mayroon silang paglabag at upang malaman kung ano ang susunod na gagawin.
Ayon naman kay PNP chief, Gen. Nicolas Torre III, bukod sa mapabibilis ang proseso, mababawasan pa nito ang mga komprontasyon sa pagitan ng mga motorista at traffic enforcers at matitiyak kung sino ang may pananagutan.
“Binibigyan nito ng kapangyarihan ang mga motorista kaugnay sa kanilang mga karapatan at magiging susi ito sa pagkakaroon ng tiwala sa ating mga motorista at enforcers,” pahayag ni Torre.
Batay sa nasabing website, apat na hakbang ang gagawin ng isang motorista kapag nais niyang malaman kung siya ay may paglabag.
Una, para malaman ang violation, i-type ang plate number o conduction sticker number at MV file number sa search bar. Ikalawa, i-verify ito sa pamamagitan ng pag-request ng kopya gamit ang email at maaari rin itong matanggap sa PhilPost.
Ikatlo, maaaring magbayad alinman sa MMDA head office o sa MMDA satellite office sa Robinson’s Galleria mall o kaya sa digital payment channels tulad ng Maya, Bayad app, iCash at Landbank LinkBizPortal.
Ikaapat, maaaring mag-file ng contest sa Traffic Adjudication Division (TAD) ng ahensya sa loob ng 10 araw mula nang matanggap ang Notice of Violation, kapag hindi sang-ayon sa nasabing paglabag.
(NEP CASTILLO)
