APAT na construction worker ang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center makaraang mabagsakan ng steel bars sa isinasagawang konstruksyon ng North Luzon Expressway (NLEx) connector project sa Blumentritt St., Sta. Cruz, Manila noong Lunes ng hapon.
Kinilala ang mga biktimang sina Dominic Tuscano, Edgardo Goden, Eddie Melgar at Kevin Pacheco.
Ayon sa inisyal na ulat ni P/Lt. Ferdinand Cayabyab, block commander ng Manila Police District-Blumentritt Police Community Precinct (PCP) ng Station 3, bandang alas-4:30 ng hapon noong Pebrero 1 nang bumagsak ang mga steel bar, ilang metro ang layo sa LRT Blumentritt malapit sa likuran ng PCP.
Napag -alaman sa inisyal na ulat ng pulisya, pawang minor injury lamang ang dinanas ng mga biktima.
Ang kontruskyon ay bahagi ng 8-kilometer toll road ng NLEx project na magkokonekta sa South Luzon Expressway (SLEx).
Kaugnay nito, nilinaw ng pamunuan ng Light Rail 1 Manila Corporation (LRMC) na ang insidente ay hindi nangyari sa nasabing istasyon na una umanong napaulat.
“LRMC would like to assure that the company upholds the highest safety standards and remains committed in running the LRT-1 system safely for Filipino commuters,” pahayag ng LRMC. (RENE CRISOSTOMO)
