NAKATANGGAP ako ng tawag mula sa aking kaibigan na si Abdulhalim Indol Langco, Assistance to National (ATN) unit ng Philippine Embassy sa Saudi Arabia.
Masayang-masaya niyang ibinalita sa akin na ang ating kabayani na si OFW Angel na aking nailathala sa aking kolumn ay kanyang kasama sa opisina at inaasikaso na ang pag-uwi sa Pilipinas.
Magugunita na nitong nakaraan Agosto 28, 2020 ay aking inilathala sa AKOOFW ang kaso ni OFW Angel na may titulong “OFW ni-rape at inabandona sa basurahan sa Riyadh”.
Sa kaparehong araw ay masayang ibinalita sa akin ng masipag at aking iniidolong Ambassador Adnan Alonto na kanya ng napa-rescue si OFW Angel at nasa pangangalaga na ng embahada.
Kagabi ay ibinalita ng aking kaibigan na si Abdulhalim Indol Langco na tumangging magsampa ng kaso si OFW Angel at ang isinusumbong na pang-aabuso ay matagal na nangyari kung kaya hindi na nakakuha ng medical certificate. Hiling lamang ni OFW Angel na siya ay maka-uwi na lamang sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Batay sa utos ni Ambassador Alonto ay tiniyak sa akin ni Abdulhalim Indol Langco na maba-blacklist na ang employer ni OFW Angel at nabayaran na ang sweldo nito at malamang na mapasama na siya sa susunod na chartered flight.
Samantala akin din hinihiling kay kaibigan Abdulhalim Indol Langco na tawagan ng pansin ang Fanar Recruitment Agency at Al Muhaidib Recruitment Office ukol sa kahilingan ni OFW Venus Gasoc at OFW Crystal Jane Padua.
Hunyo 29, 2020 ko pa ipinadala ang kahilingan kay Labor Attache Nasser Musta na kung maari ay kastiguhin ang dalawang Saudi Recruitment Agency (SRA) na ito dahil sa hindi nito pagkilos para saklolohan sina OFW Gasoc at OFW Padua. Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa rin nangyayari sa aking ipinadalang kahilingan.
Maging ang ahensya ni OFW Gasok at OFW Padua sa Pilipinas ay lubha nang nag-aalala at labis na nakiki-usap kay Labatt Nasser Mustafa na sila ay matulungan na mapaki-usapan ang mga nasabing SRA para mapa-uwi na ang dalawang naturang OFW.
Si OFW Gasoc ay may iniindang karamdaman at nakakaranas ng pagdurugo sa kanyang maselang bahagi ng katawan. Hindi na rin sya nakaka-usap ng kanyang pamilya bagay na lalong ikinababahala ng mga ito.
Samantala, ang pamilya ni OFW Padua ay nagtungo na rin sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ngunit sadyang matigas at tila hinahamon ng mga SRA nito ang kapangyarihan ng ating Philippine Overseas Labor Office (POLO) at ng embahada.
Naniniwala ako na ang kakayahan ni kaibigan Abdulhalim Indol Langco ang maaring maging katapat ng dalawang ahensya na ito. Subok ko na kasi ang pagmamalasakit ni Abdulhalim Indol Langco nuong kami ay magkasama pa sa bansang Kuwait.
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.
482 