MARIING ipinag-utos Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na kanselahin ang lahat ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila sa Pebrero 11 at 12.
Anunsyo ng alkalde, hindi maaaring magsagawa ng mga aktibidad sa pagdiriwang ng Chinese New Year para maiwasan ang COVID-19 outbreaks at hindi masayang ang pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na mapigilan ang paglaganap ng virus.
Sa ilalim ng nilagdaang Executive Order No. 4, series of 2021 ng alkalde, mahigpit na ipinagbabawal ang street party, stage show, parade, o katulad na aktibidad sa Pebrero 11 at 12.
Bawal din ang pagdaraos ng Dragon dances dahil nakapaghihikayat ito ng maraming tao.
Gayundin, hindi pahihintulutan ang paggamit ng firecrackers at pyrotechnic devices sa nasabing pagdiriwang upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Mahigpit ding ipatutupad ang City Ordinance No. 5555 na nagbabawal sa pag-inom ng alak sa siyudad at maging ang pagtitinda ng alak sa area ng Binondo sa Chinatown sa ilalim ng liquor ban.
Kaugnay nito, inatasan ng alkalde ang barangay officials at ang Manila Police Disrict (MPD) na mahigpit na ipatupad ang nasabing kautusan. (RENE CRISOSTOMO)
