IBINUHOS ng San Miguel Alab Pilipinas ang ngitngit nito mula sa 80-92 loss sa Malaysia, nang hambalusin ang Saigon Heat, 99-79, Linggo ng gabi sa Sta. Rosa Multi Purpose Sports Complex sa Laguna.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Alab laban sa Saigon Heat matapos ang kanilang unang paghaharap noong Pebrero 9 (82-75).
Ang Alab ay may 10-6 win-loss card na ngayon sa 2019-2020 Asian Basketball League (ABL).
Dalawang import lang ang lumaro sa Alab, matapos na bigo pa rin si Brgy. Ginebra resident import Justin Brownlee na makabalik ng Pilipinas.
Maging sina Jeremiah Gray at Andrei Caracut ay hindi rin nakalaro.
Nagtulong sina Nick King at Sam Deguara para talunin ang Saigon. Nagtala si King ng 20 points, 15 rebounds at seven assists, habang si Deguara ay may 23 points at eight rebounds.
Ang atakeng 31 points sa second quarter ang nagbigay sa Alab ng 20-point lead matapos ang first half, 56-36.
Umabot pa sa 24 puntos ang abante ng Alab sa third period, 72-48.
Nag-ambag din si Lawrence Domingo ng 18 points, six rebounds, two assists at two steals habang si Jason Brickman ay may 10 points at nine assists.
Muling maghaharap ang Alab at Saigon sa Marso 1 sa teritoryo ng Heat.
Samantala, papalitan ni 6’9” former PBA import John Fields si Deguara bilang reinforcement.
Nagdesisyon ang Alab management na magpalit ng import bunga ng pagiging inconsistent ng 7’5” na si Deguara, na laging nalalagay sa maagang foul trouble sa mga nakaraang laro. (VT ROMANO)
201 