PUMUTOK kahapon ng umaga ang Bulkang Kanlaon sa Negros Island at nagbuga usok, abo at bato, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense.
“Mt. Kanlaon spewed ash plume 4,000 meters high and pyroclastic density current moving south towards Negros Occidental,” ayon sa inisyal na report, habang nanatiling nakataas sa alert level 3 ang bulkan.
Ayon kay Director Teresito Bacolcol, chief ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, nagsimula ang volcanic eruption bandang alas-5:51 kahapon ng umaga.
Inihayag naman ni OCD Task Force Kanlaon chief Raul Fernandez, natapos ang pagputok bandang alas-6:47 ng umaga.
Nabatid na may 8,000 katao ang kasalukuyang nanunuluyan sa 22 evacuation centers hanggang kahapon ng umaga.
Apektado ng ibinugang abo ang isang barangay sa La Castellana, Negros Occidental, habang 4 barangays naman sa La Carlota City, Negros Occidental at isang barangay sa Bago City, Negros Occidental.
“Right now, we are maintaining Alert Level 3…Wala siyang lava na nilabas. Ang nilalabas niya ay abo at steam at pyroclastic density current – mga magkakahalong abo, bato at gases na bumababa sa dalisdis ng bulkan,” ayon sa Phivolcs.
Posible umanong itaas ang alert level kung makikitaan ng paglala sa kondisyon ng bulkan.
(JESSE KABEL RUIZ)
