Habang nangangampanya sa Abra TSERMAN, KANDIDATO PATAY SA PAMAMARIL

ABRA – Patay ang isang barangay chairman gayundin ang isang kandidato sa Sangguniang Bayan, sa nangyaring pamamaril nitong Linggo dakong alas-7:00 ng gabi sa Barangay Nagtupacan, sa bayan ng Langangilang sa lalawigan.

Ayon sa ulat na ipinadala ng Abra Police Provincial Office sa Kampo Crame, kinilala ang napatay na si Lou Salvador Claro, 57, retiradong pulis at kasalukuyang chairman ng Barangay Nagtupacan, habang namatay rin ang suspek na si Manzano Bersalona, 58, kandidato bilang Sangguniang Bayan member at residente rin sa nabanggit na bayan.

Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, umawat lang si Claro sa away ni Bersalona at isang Rommel Apolinar habang nasa gitna ng kampanya. Itinulak umano ni Bersalona si Claro at pinaputukan.

Matapos na mabaril ni Bersalona si Claro, nakarinig din sila ng putok ng baril at tinamaan naman si Bersalona.

Kaagad isinugod sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawa subalit hindi sila umabot nang buhay.

Napag-alaman na galing sa magkalabang partido ang dalawang namatay kaya inatasan ang Abra Police na i-monitor ang mga supporter ng dalawang political party para maiwasang lumala pa ang sitwasyon.

(TOTO NABAJA)

59

Related posts

Leave a Comment