ITINAAS ng Philippine Army ang alert status ng kanilang mga tauhan matapos ang serye ng harassment incidents laban sa mga military detachment sa Maguindanao, mahigit dalawang buwan bago ang nakatakdang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa Setyembre 14.
Ayon kay 6th Infantry Division Spokesperson Lt. Col. Ronald Suscano, ilang pag-atake na ang naitala laban sa mga tropa at pasilidad ng Philippine Army sa mga lalawigan ng Maguindanao sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) habang naghahanda para sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections.
Sa ulat, hinarass ng may 15 armadong kalalakihan ang detachment ng 12th Mechanized Company, 1st Mechanized Infantry Battalion sa Talitay, Maguindanao del Norte.
Napansin ng mga sundalong nagbabantay ang grupo na may dalang flashlight at papalapit sa kampo bago sila pinaputukan.
Gumanti ng putok ang mga sundalo na nagresulta sa halos 20 minutong bakbakan hanggang sa umatras ang mga armadong kalalakihan.
Walang naiulat na nasugatang sundalo sa insidente.
Noong gabi ng Hulyo 19, naglagay rin ng improvised explosive device (IED) ang mga hindi pa nakikilalang suspek malapit sa Truck Armored Vehicle (TAV) ng 1st Mechanized Infantry Battalion na nakatalaga sa detachment ng 34th Infantry Battalion sa Barangay Linantangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Suscano, wala ring nasaktan sa naturang insidente.
Nabatid na ito na ang ikaapat na pag-atake laban sa pwersa ng pamahalaan mula nang ipatupad ang election gun ban sa BARMM noong Hulyo 16.
Batay sa datos, nasa 27 lugar sa BARMM ang nakapailalim sa highest poll security category.
Noong Sabado, isang military convoy ang hinagisan ng granada sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinasugat ng dalawang sundalo na sakay ng KM250 military truck at tatlong sibilyan.
Bandang alas-7:00 ng gabi rin noong Sabado, pinukulan ng granada ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang detachment ng Charlie Company, 7th Infantry Battalion sa Barangay Macaguiling, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, ngunit walang naiulat na nasaktan.
Ayon kay Maj. Gen. Jose Vladimir Cagara, commander ng 6th Infantry Division, posibleng paghihiganti ng mga lawless elements ang serye ng harassment bunsod ng matagumpay na kampanya ng militar laban sa mga terorista, kabilang ang pagkakapaslang kay Kumander Bungos, lider ng Islamic State-inspired Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF)-Bungos faction.
(JESSE RUIZ)
122 