DOJ DUMISTANSYA SA TAGUIG GHOST FLOOD CONTROL PROJECTS PROBE

DUMISTANSYA ang Department of Justice (DOJ) sa isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng umano’y 11 ghost flood control projects sa Taguig City.

Sa isang ambush interview, sinabi ni DOJ Secretary Fredderick Vida na iginagalang ng kagawaran ang mandato ng NBI na magsagawa ng sariling imbestigasyon.

Ayon kay Vida, hindi ipinag-utos ng DOJ ang naturang imbestigasyon kundi bahagi ito ng mandato ng NBI na magsiyasat sa mga posibleng paglabag sa batas.

Iginiit din ng kalihim na hindi dapat makaapekto ang naturang usapin sa ginagampanang tungkulin ng mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Nauna nang kinumpirma ni NBI Director Melvin Matibag na sinimulan na ng kanilang tanggapan ang imbestigasyon sa 11 kuwestiyunableng flood control projects sa Taguig City na isinagawa noong 2022.

Ayon kay Matibag, kabilang ang mga ito sa mga proyektong iniuugnay sa top 15 contractors na nakakuha ng flood control projects sa bansa.

Nag-ugat ang isyu matapos ibunyag ni Senator Panfilo Lacson ang umano’y mga anomalya sa naturang mga proyekto sa Taguig.

Ito ay kasunod ng pagkuwestiyon ni Senator Alan Peter Cayetano sa umano’y paglobo ng net worth ni Lacson batay sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN).

Itinanggi naman ni Cayetano ang mga alegasyon laban sa kanilang balwarte at iginiit na hindi sila dapat pinupuntirya dahil lamang sa away-pulitika.

Samantala, sinabi na bineberipika na rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang naturang usapin.

(JULIET PACOT)

95

Related posts

Leave a Comment