POSITIBO si Filipina netter Alexandra “Alex” Eala sa kanyang unang pagsabak sa Women’s Grand Slam sa 2023 Australian Open.
Ito’y sa kabila ng pagkabigo sa una niyang torneo ngayong taon na W60 Canberra, nang agad mapatalsik sa second round ng qualifier.
Agad nagtungo ang 17-anyos na Rafa Nadal Academy scholar sa Merbourne upang makapagsanay sa pasilidad kung saan isasagawa ang main draw.
“So excited to play,” post niya sa socmed. “Thank you for always having my back Rafa Nadal Academy! Vamos!”
Nagwagi si Eala sa 2020 Australian Open Junior at 2021 French Open Junior doubles. Noong Setyembre 2022, naging kauna-unahan siyang Pinoy junior grand slam champion nang masungkit ang US Open Junior sa New York City–na nagbalik sa kanya sa No. 37 sa International Tennis Federation (ITF) girls rankings.
Noong nakaraang taon din, nanalo si Eala ng dalawang pro titles sa Spain at Thailand at umangat sa No. 215 ng Women’s Tennis Association (WTA) simula nang mag-pro noong 2020.
Sa kasalukuyan, career high niya ang WTA No. 214 na nakamit noong nakaraang buwan kasunod ng semifinal finish sa elite W80 Poitiers sa France na una niyang $80,000 tournament. (ANN ENCARNACION)
205