NAGBABALA si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente laban sa ‘arriving aliens’ na magsusumite ng fake quarantine bookings, na agad nilang pababalikin ang mga ito sa pinanggalingang bansa.
Ang babala ni Morente ay inisyu kasunod ng implementasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases resolution hinggil sa pagsususpinde ng pagbiyahe ng mga dayuhan patungo sa Pilipinas.
“Only certain classes of foreign nationals will be allowed starting today, until April 21,” ani Morente. “Despite this, we will still deport aliens who try to evade quarantine.”
Babala pa ni Morente, agad na ide-deport ang foreign nationals na magsusumite ng fake quarantine bookings.
Idinagdag niyang doble ang kanilang paghihigpit para matiyak na ang mga dayuhan ay magsusumite ng valid and legitimate quarantine bookings, upang hindi makadagdag sa COVID-19 cases sa bansa.
Noong Martes, nagpalabas din ng babala ang DOT sa local tourist na ang magsusumite ng tampered documents at pekeng swab test results ay maaaring makulong ng anim na buwan.
Sa kasalukuyan, ang mga Filipino na bumiyahe kasama ang kanilang foreign nationals na asawa at mga anak, ay papayagang makapasok sa Pilipinas basta’t magpakita ng valid at kasalukuyang visa.
Pinapayagan ding makapasok ang diplomats at miyembro ng international organizations, at kanilang pamilya na may valid 9(e) visa o 47(a)2 visa, at foreign seafarers para sa crew change na may valid 9(c) visa. (JOEL O. AMONGO)
213
