All-MVP Group teams, posible sa PH Cup Finals

SA kauna-unahang pagkaka­taon sa magkahiwalay na semifinal best-of-seven series sa pagitan ng Talk ‘N Text at San Miguel, Meralco at Magnolia, matagumpay na nakaiskor ang MVP Group ni Manny V. Pangilinan ng double whammy laban sa mga katunggaling koponan ng RSA Group ni Ramon S. Ang nang talunin kapwa ng Tropang Giga ang Beermen at Bolts ang Hotshots noong Biyernes sa 2021 PBA Philippine Cup.

Wagi ang Tropang Giga, 115-98, laban sa Beermen at ang Bolts, 91-86, kontra Hotshots sa tahanan ng All-Filipino semi-bubble sa DHVU Gym sa Bacolor, Pampanga. Ayon sa mga miron, hudyat na posibleng ang dalawang koponang ari ni MVP ay mawakasan ang anim na taong pagkatigang sa kampeonato at malamang magkaroon pa ng All-MVP team sa finals mula nang ang TNT at Meralco ay makakuha ng prangkisa sa kauna-unahang liga propesyonal sa bansa at Asya.

Nakabili ng prangkisa ang TNT noong 1990 at sinundan ito ng Meralco noong 2010, ngunit kahit minsan ay hindi pa nagkatagpo ang dalawang koponang ito sa conference finals ng PBA. Pitong beses nang tinanghal na kampeon ang TNT nang dala-dala pa nito ang pangalang Mobiline, Seven-Up at Pepsi Cola.

Samantala ay wala pang pinapanalong korona ang Bolts, bagama’t tatlong beses na silang nakapag-uwi ng tropeo bilang runner-up matapos yumukod sa Barangay Ginebra noong 2016, 2017 at 2019 Governors’ Cup.

Patungong Game 4 nitong Linggo, dala ng Tropang Giga ni coach Chot Reyes ang kartadang 2-1 panalo-talo at kailangan lang nila ng dalawa pang panalo para makuha ang unang silya sa finals.

Lamang naman ang Hotshots sa Bolts, 2-1, at umaasa si coach Norman Black na mauulit ng kanyang mga bata ang pagdomina sa mga alaga ni coach Chito Victolero para maitabla ang serye.

Naniniwala si Reyes na sa pagwawagi ng kanyang Tropa sa Game 3 noong Biyernes ay nalutas na nila ang solusyon patungo sa huling yugto ng laban. At umaasa siyang mapapanatili ang momentum hanggang sa katuparan ng kanilang misyon.

“San Miguel is a very tough defensive team, man for man. They have elite defenders in Chris Ross and Marcio (Lassiter), not to mention their bigs, they are very good defenders. We really have to find ways to hit our outside shots,” obserba ni coach Chot.

Naipasok ng Katropa ang 13 sa kanilang 35 na pagtatangka mula sa parking lot, apat dito ay galing kay rookie Mikey Williams. Lubos din ang papuri ni coach sa kanyang mga hugot mula sa free agency—Dave Marcelo, Glenn Khobuntin, Chris Exciminiano at Brian Heruela na kung tawagin niya’y mga “Kurimaw.” Nakatulong din ng malaki ang mga ­scorer na sina RR Pogoy, Troy Rosario, Poy Erram at Jayson Castro.

Para naman kay Meralco coach Norman, sapat na ang panalo ng kanyang Bolts noong Biyernes para ipamalas na balik na ang kanilang fighting heart na kakailanganin nila sa mga nalalabi pang yugto ng semis.

Batid ni Magnolia coach Chito na kung may isang koponang may kakayahang makaahon sa hukay at manalo ng tatlong sunod, ito ay ang Bolts ni coach Norman matapos nila itong patunayan sa huling bahagi ng elimination round kung saan tinuhog nila ang apat na panalo para tumapos na pangalawa sa TNT patungo sa quarterfinal round.

***

MATAPOS ang Game 4 double-header nitong Linggo, tinabla ng SMB ang serye kontra TNT, 2-2, habang lumapit sa finals ang Magnolia makaraang muling talunin ang Meralco para maungusan ito ng dalawang games, 3-1.

142

Related posts

Leave a Comment