NAG-ALOK ng isang milyong pisong pabuya si Senador Raffy Tulfo sa sinumang makapagtuturo o makapagbibigay ng impormasyon sa gumahasa sa disi-siete anyos na babae at walang awang pumaslang sa kasintahan nito sa campsite sa Brgy. Ihatub, Boac lalawigan ng Marinduque.
Mariing kinukondena ni Tulfo ang karumal-dumal na pagpatay sa 21-anyos na lalaki na si John at panggagahasa naman sa menor de edad na nobya nito.
Ayon kay Tulfo, walang konsensya ang gumawa ng karumal-dumal at kalunos-lunos na krimen kaya’t magbibigay siya ng pabuya upang mas mapadali ang pagtukoy at pag-aresto sa suspek.
Nanawagan si Tulfo na ipagbigay-alam sa kanyang tanggapan ang anomang impormasyon hinggil sa responsable sa krimen.
Lumabas sa imbestigasyon noon July 15, alas-11 ng gabi nang pinasok ng salarin ang magkasintahan sa kanilang tent at pinagsasaksak ang lalaki.
Nagawa pang makatakbo ng babae subalit inabutan ng suspek at ibinalik sa tent para gasahain saka siya sinaksak sa leeg.
Nasawi si John habang kasalukuyan nagpapagaling sa pagamutan ang babaeng biktima. (DANG SAMSON-GARCIA)
