Alphalist ng mga empleyado pinasusumite sa Kongreso ABS-CBN ‘HUHUBARAN’ SA PAGSISINUNGALING

PINASUSUMITE ng isang mambabatas sa Kamara sa ABS-CBN ang alphalist ng kanilang mga empleyado para malaman kung totoo ang ipinangangalandakan ng mga ito na mahigit 11,000 ang kanilang empleyado.

Sa joint hearing ng House committee on legislative franchise at House Blue Ribbon committee, inatasan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na isumite ang alphalist ng kanilang binayarang kontribusyon sa Social Security System (SSS) mula 2018 hanggang 2019.

Maging ang alpha list ng mga empleyado ng nasabing kumpanya sa kontribusyon ng mga ito sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Pag-IBIG funds ay nais ni Marcoleta na makuha.

Sa pamamagitan ng nasabing mga dokumento ay malalaman umano kung totoo na 11,000 ang empleyado ng ABS-CBN na ginagamit nila ngayong sangkalan para makakuha ng simpatya para sa kanilang prangkisa.

Magugunita na noong nakaraang linggo, sinabi ni Marcoleta na hindi totoong 11,000 ang empleyado ng ABS-CBN dahil ang regular employees lang umano ng mga ito ay 2,661 habang ang natitirang mahigit 8,500 ay mga contractual employee.

“Magkakaalaman na po tayo kung tooo yung eleven thousand. Kung hindi nila isa-submit Mr. Chair, I will ask the office mentioned here subpoena duces tecum ad testificandum,” ani Marcoleta.

Nais din ni Marcoleta na isumite ng ABS-CBN ang listahan ng labor cases na naisampa sa kanila at pending ngayon sa National Labor Relations Commission (NLRC) at maging sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Kasabay nito, itinanggi ni Marcoleta na may kumukumpas sa kanila para huwag bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN. BERNARD TAGUINOD

161

Related posts

Leave a Comment