TARGET ni KA REX CAYANONG
ISANG magandang balita ang hatid ni Governor Aurelio “Oyie” Umali sa mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Nueva Ecija.
Nakatakda na kasing i-release ngayong linggo ang kanilang cash gift at bonuses.
Sa simpleng anunsyong ito, ipinakita ng gobernador na ang tunay na lakas ng kapitolyo ay nasa masisipag na mga empleyado na araw-araw na naglilingkod sa publiko.
Hindi rin nakalimutan ni Gov. Umali na kilalanin sina Vice Governor Lemon Umali at Board Member EJ Joson sa kanilang tapat na pagganap bilang pansamantalang mga pinuno ng lalawigan.
Para sa gobernador, mahalaga na tuloy-tuloy ang serbisyo kahit may pansamantalang pagbabago sa liderato at iyon ang ipinakita ng kanyang mga kasama sa pamamahala.
Sa kabila ng personal at legal na hamon, partikular ang usapin ng suspension at alegasyon sa mining transactions, nanindigan si Gov. Umali na sa dulo ay mananaig ang katotohanan.
Ang kanyang pagharap sa mga hamon ng bagyo, kabilang ang pakikibahagi sa relief operations noong tumama ang bagyong “Uwan,” ay patunay ng kanyang patuloy na malasakit sa mga Novo Ecijano.
Samantala, sa inilabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), muling pinatunayan ng Nueva Ecija na isa ito sa pangunahing pwersa ng ekonomiya ng bansa.
Pag-akyat nito sa ranggong #9 sa kontribusyon sa pambansang GDP, malinaw na lumalawak ang papel ng lalawigan hindi lamang bilang “rice bowl” ng Luzon kundi bilang sentro ng agribusiness, manufacturing, at serbisyo.
Ito ay isang malakas na pahayag, ang Nueva Ecija ay hindi lang umaangat, ito ay umuunlad, lumalawak at humahakbang patungo sa isang mas matatag na kinabukasan.
At sa gitna ng lahat ng ito, nananatiling mahalaga ang bawat empleyado ng kapitolyo na may pusong naglilingkod para sa bayan.
Ang pagkilala, pasasalamat, at malasakit ng gobyerno mula sa liderato ni Gov. Umali hanggang sa pinakahuling kawani, ay siyang tunay na nagbibigay-daan sa patuloy na pag-usbong ng lalawigan.
Ang Nueva Ecija ay patunay na kapag sama-sama, mas mabilis ang pag-angat.
Mabuhay po kayo, mga bossing, at God bless!!!
1
