LALONG uminit ang pagtanggap ng mga residente ng Barangay Rosario, Pasig City sa pagbabalik ni Chairman Aquilino “Ely” Dela Cruz Sr., kasunod ng kanyang 60 araw na suspensyon.
Ang suspension ay may kaugnayan umano sa Section 63 (a)(3) ng Republic Act No. 7160 o Local Government Code of 1991, alinsunod sa rekomendasyon ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig City na nakapaloob sa Quasi-Judicial Body Resolution No. 002, Series of 2025.
Nitong Enero 6, 2026, bumalik si Chairman Dela Cruz sa Barangay Rosario na sinalubong ng kanyang mga kabarangay na hindi naniniwala sa mga paratang laban sa kanya. Mas naniniwala umano sila na ginawa ang reklamo ng ilang kagawad na nais pumalit sa puwesto.
“Hindi kailangan ng paninira para maging kapitan. Kung may kakayahan ka, gawa ang magsasalita,” pahayag ng ilang residente.
Mariin namang itinanggi ni Dela Cruz ang mga kasong graft and corruption at falsification of public documents na isinampa laban sa kanya.
Binigyang-diin pa niya na noong Setyembre 5, 2025, ginawaran ang Barangay Rosario ng “Seal of Good Local Governance for Barangay” (SGLGB) ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay ng maayos na pagpapatupad ng kanilang mga programa at proyekto.
Dagdag pa ni Dela Cruz, nakatipid pa ng P2 milyon ang barangay noong nakaraang taon.
“Iniingatan namin ang pondo ng barangay dahil hindi ito sa amin—ito ay para sa taumbayan,” aniya.
Ayon pa sa kapitan, mismong ang mga kagawad na pansamantalang pumalit sa kanya ang magpapatunay na wala silang nakitang korupsyon sa kanyang pamamahala.
(JOEL O. AMONGO)
30
