AMYENDA SA RTL DINIINAN NI ABALOS

ISINUSULONG ni dating Interior Secretary at ngayo’y kandidatong senador Benhur Abalos ang mas matinding suporta para sa mga magsasaka, kasabay ng panawagan na baguhin ang Rice Tariffication Law (RTL) para palakasin ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na matiyak ang sapat at abot-kayang suplay ng bigas.

“Ang laban ng magsasaka ay laban din ng bawat Pilipino. Kung maayos ang presyo ng palay, maayos din ang presyo ng bigas sa ating mga hapag. Hindi pwedeng isa lang ang iniintindi—kailangan sabay ang suporta sa magsasaka at sa mamimili,” giit ni Abalos.

Habang umiikot sa iba’t ibang panig ng bansa, sinabi ni Abalos na simula nang pahinain ng RTL ang kapangyarihan ng NFA, mas lalong nalugmok ang mga magsasaka at nagdusa ang publiko sa mahal at mababang kalidad ng bigas.

Kamakailan, bumisita si Abalos sa lalawigan ng Lanao del Norte, isang pangunahing agricultural province sa Northern Mindanao, kung saan nakatanggap siya ng matibay na suporta mula kay Governor Imelda Dimaporo, Representative Mohamad Khalid Dimaporo, at mga mayor at lider ng Association of Barangay Captains (ABC) sa probinsya.

“Dati ay kayang direktang magbenta ng bigas sa publiko ang NFA para kontrolado ang presyo at suplay,” paliwanag ni Abalos. “Pero matapos ang Rice Tariffication Law, limitado na lang ang NFA sa buffer stock para sa kalamidad. Wala na itong kapangyarihang magbenta nang walang emergency para ayusin ang presyo o regulahin ang merkado gaya ng dati.”

Ipinasa noong 2019, layunin ng RTL na paluwagin ang pag-aangkat ng bigas kapalit ng taripa. Pero ayon kay Abalos at sa iba pang kritiko, habang binuksan nito ang pamilihan, pinutol naman nito ang kakayahan ng NFA na protektahan ang mga magsasaka at mamimili.

“Dati, ang NFA ang nagbabantay para hindi malugi ang magsasaka at hindi rin maperwisyo ang mamamayan. Pero tinanggalan natin sila ng armas. Kailangang ibalik natin sa NFA ang kakayahang mamagitan—bumili ng palay, magbenta ng abot-kayang bigas, at magtulay sa pangangailangan ng bawat Pilipino,” diin pa ni Abalos.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority, nananatiling mababa ang farmgate price ng palay sa P17 hanggang P18 kada kilo, habang pumapalo na sa higit P50 kada kilo ang bentahan ng bigas sa pamilihan — isang patunay ng lumalawak na agwat sa pagitan ng gastos ng mga magsasaka at presyo sa merkado.

“Dahil sa limitasyon ng Rice Tariffication Law, hindi na basta-basta naibebenta ng NFA ang kanilang stock para ma-manage ang imbentaryo, lalo na bago ang anihan,” dagdag pa niya.

Bunga ng kanyang mga pakikipagpulong sa mga grupo ng magsasaka, lider ng NFA, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan, sinabi ni Abalos na iisa ang panawagan: mas aktibong tulong mula sa gobyerno.

Kapag pinalad na mahalal sa Senado, nangakong isusulong ni Abalos ang pag-amyenda ng RTL bilang isa sa kanyang pangunahing adbokasiya, upang matiyak na parehong protektado ang mga magsasaka at mamimili.

Bukod sa pag-amyenda ng Rice Tariffication Law, iginiit din ni Abalos ang paglalatag ng mas malawak na programa para sa sektor ng agrikultura. Kabilang sa kanyang mga panukala ang pagpapabuti ng mga irigasyon, pagbibigay ng educational assistance sa mga anak ng magsasaka, pagpapalawak ng crop insurance subsidy, at pagbibigay ng diskuwento sa real property tax ng mga lupang sakahan.

16

Related posts

Leave a Comment