QUEZON – Patay ang isang 34-anyos na lalaki matapos mabaril ng mismong kapitan na kanilang nirespondehan noong Lunes ng gabi sa Brgy. Gibanga, sa bayan ng Sariaya sa lalawigan.
Kinilala ang biktimang si Albert Malarasta, residente ng nasabing barangay, idineklarang wala nang buhay nang idating sa Ace Medical Center sa Sariaya, dahil sa dalawang tama ng bala sa dibdib.
Ayon sa imbestigasyon ng Sariaya Police, dakong alas-11:55 ng gabi noong Lunes, nagresponde ang biktima kasama ang kanyang amang si Elpidio Malarasta, isang tanod, at si Andeson Mabuhay, chief tanod, sa tawag ng suspek na si alyas “Crisanto”, kapitan ng barangay, dahil sa umano’y taong umaali-aligid sa kanyang garahe.
Napahiwalay umano si Malarasta sa kanyang mga kasama nang pumasok sa bakuran ng kapitan.
Ngunit napagkamalan umano ito ng kapitan na siyang umaali-aligid kaya’t agad nitong pinaputukan.
Agad namang inaresto ng mga awtoridad ang suspek at nakuha mula sa kanya ang isang Glock 19 caliber 9mm na ginamit sa pamamaril.
Mahaharap sa kasong pagpaslang ang kapitan na kasalukuyang nasa kustodiya ng Sariaya Municipal Police Station.
(NILOU DEL CARMEN)
